Ang pandaigdigang migrasyon ay isang panlipunang katotohanan, at ang mga kadahilanan nito ay dulot ng mga digmaan, kakapusan sa hanap-buhay, mga epidemya at ang mga iba ay sapagka't nakararanas ng kawalang katarungan bunga ng sistemang pulitikal, At ini-isip natin na baka-sakaling sa pandarayuhan tayo ay makararanas ng kahit kaunting ginhawa at pagka-panatag.
Subalit sa ating panahon ay tila nagiging balintuna ang mga kaganapan dahil ang mga banyaga partikular sa Gitnang Silangan ay masasabing mga marahas kundi man mapang-api sa pagpapatupad ng kanilang kinasanayan na diskriminahin ang mga taong tumutuntong sa kanillang bansa.
Ganoon pa man ang International Labour Organization (ILO) ay lumikha ng mga pamantayan para sa proteksyon ng mga manggagawa, At pinagtibay din ng United Nations noong 1990 ang pandaigdigang kasunduan para sa proteksyon at mga karapatan ng lahat ng mga migranteng manggagawa at mga ka-pamilya nito, Sa kasunduang ito ng nagkaka-isang mga bansa ay kabilang ang pilipinas sa mga lumagda.
Sa mga panahon ng ating pandarayunan ay maraming mga tunay na pangyayari ng pagkapariwara ng ating mga kababayan, ang iba ay ini-uuwing bangkay o kundi man ay mga nabaliw bunga ng karahasan gaya ng nabanggit na at pang-aabuso hindi lamang ng kanilang mga Employer kundi may mangilan-ngilan na ang mismong mga kawani sa ating mga pasuguan ang siyang mga kasangkot.
Nakalulungkot isipin na kahimat sinisikap ng pamahalaan na isa-ayos ang ating mga kalagayan ay marami naman ang mga pulitiko, kawani at mga opisyal ng ating gobyerno partikular sa mga embahada ang tila nagsasawalang kibo sa mga kaganapan, gaya halimbawa ng pangyayari sa buhay nina Flor Contemplacion, Sara, Balabagan, ang Tinulungan ng Muslim na Hari ng Saudi Arabia na si Celestino Lanuza at marami pang iba na binitay kahit na alam natin na ang kadahilanan ay pagtatanggol o ang iba ay mga bintang na usapin lamang na kung susuriin ay marapat sa mga patawad(clemency).
Subalit dahil sa kakulangan o maaaring kapabayaaan ng mga opisyal ng ating pamahalaan ang mga bagay na ito ay naganap at naging sanhi ng sama ng loob ng milyon-milyong mamamayang Pilipino.
Kung sabagay ka-agad na isinabatas ang "RA 8042" Migrants Workers and Overseas Filipinos Act noong 1995, At malinaw ang mga probisyon ng batas, Sinasabing pananagutan ng Gobyerno sa kanyang mamamayan na nasa labas ng bansa kabilang ang mga walang dokumento. Hindi doon natapos sapagka't natuklasan na may kakulangan sa nasabing panuntunan kung kaya pina-iral ang "RA 10022" para sa ilang pagbabago. Kaugnay nito alam natin na may naipasă ng Bill sa Senado si Senator Manny Villar, ang"SB 2237" na humihimok sa Pamahalaan na i-covered sa assistance ang lahat ng Overseas Filipino Worldwide sila man documented and/or undocumented.
Tunay na naglalaan ng pondo ang Pamahalaan sa mga ilang "basic services" para sa mga Legal Assistance gaya ng LAF at ATN, subalit masasabing maliit na bahagi lamang ang budget na napupunta para sa mga programang pang-OFW sa kabila ng malaking ambag nito sa ekonomiya ng bansa, Ang nakapagtataka ay ang pagpapa-ako ng gobyerno sa mga nilikhang ahensya na kung susuriin ay galing mismo sa OFW ang pondo at ni katiting ay walang na-ibahagi na mula sa kaban ng bayan gaya ng OWWA. Kalimitan ay OWWA ang ginagawang solusyon upang makapagbigay ng "welfare", kahit na ito ay tungkulin ng gobyerno mismo.
Ang naka-hihindik ay ang tahasang paggamit ng pondo nito(OWWA) sa ibang mga bagay na hindi ka-ugnay ng migrasyon ni hindi pampublikong panganga-ilangan kundi pansariling pakinabang ng opisyal ng pamahalaan. Alam natin na ang pondong ito ay hindi pag-aari ng mga "indibidwal" na OFW, SUBALIT ito ay nagmula na naipon galing sa pawis ng mga OFW, Kaya hindi makatuwiran na ipagwalaang bahala ang tunay na kalagayan ng mga ito sa papapatumpik-tumpik ng pagbibigay ng tulong. Ilan ang mga sumusweldo na mga nasa gobyerno o mga itinalaga(appointed) lamang at hindi mga lihitimong OFW na naging kabahagi sa na-ipong lagak? Hindi baga mas nararapat na ang mga taong pinili mula sa hanay ng OFW ang siyang bigyan ng pagkkakataon na magpalakad sa mga proseso at programang nakalaan para dito?
Sa hanay ng nga migranteng Pilipino ay mayroon namang mapipili na mga may kakayahan at karapat-dapat na humawak ng posisyon upang sa ganoon ay ma-ipatupad ng wasto ang talagang "welfare" para sa mga OFW. Upang sa ganoon ay mabigyan naman ng kahit kaunting pa-kunswelo ang mga taong naging kabahagi sa pondong pinagpapasasaan ng ilang hindi naman kasama sa paglikom nito, At maiwasan naa rin ang mga pagsasamantalla ng ilang mga tiwaling mula sa panig ng pamahalaan.
Dahil dito, malugod naming ipinahahayag ang aming kahilingan na matapos mapag-aralan ay mabigyan ng katuparan para sa mga Pilipinong nandarayuhan na ang binyag pa nga ng Pamahalaan ay mga Bagong Bayani.
- Ang DFA at DOLE ang ahensyang inatasan ng gobyerno para sa proteksyon ng mga OFW alinsunod sa RA 8042 at RA 10022, Kung kaya nararapat na sila ay agarang lumikha ng mga komprehensibong programa para sa proteksyon at kagalingan ng mga OFW pati na ng mga ka-pamilya nito, Makatuwiran din na maglaan ng kaukulang pondo para kapakanan at biglang pangangailangan dulot ng mga hindi inaasahang trahedya.
- Bigyan ng pagkakataong maging kasapi ang lahat ng OFW - Overseas Filipino Worldwide na nagnanais maging ka-anib ng OWWA upang makasama sa mga pinangangalagaan nito, ayon sa sentimyento ng pagiging Pilipino.
- Magbigay (ang OWWA) ng "transparent report" o pampublikong pahayag sa mga nagaganap na mga proyekto, at maging sa pananalapi upang maiwasan ang mga paggamit ng ilang tiwaling opisyal para sa kaniyang pansariling kapakinabangan.
- Magkaroon ng karagdagang representasyon (sa OWWA). Ang Board of Trustee ay marapat lamang na pangasiwaan ng mga OFW na ihahalal ng mga OFW sa bawat malalaking rehiyon o maraming bilang ng Pilipino gaya ng Italia, Canada, Hongkong, East Europe, Middle East at iba pa gayon din sa hanay ng mga marinayo(sea base). Ganoon pa man maaring panatilihing Administrator ang kinatawang itatalaga ng DOLE dahil sa kaniyang karanasan at katungkulang-atas. Kung magiging ganoon, maba-balanse ang pamamahala at tiyak na mapaglilingkuran ng mas tumpak ang mga tinatawag na Bagong Bayani.
Ito ang Opisyal na Pahayag ng TaskForce - OFW Hinggil sa usapin ng OWWA At Mandato ng Gobyerno na Pangalagaan Ang Kaniyang Mamamayan aa Loob at Labas ng Bansa!
Pinagtibay,
TaskForce - OFW International
Via Bernardino Bernardini, 22
00156 Roma Italia