Tuesday, November 7, 2017

OFWs Todo-suporta sa Federalismo

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho


Mula ng maupong Presidente si Pangulong Rodrigo Duterte, ay dumami ang nagsulputang mga organisasyon na sumusuporta sa kaniya. 

Hindi maikakaila na ang karamihan ay mga karaniwang mamamayan na tila mga sabik sa bagong yugtong tatahakin ng ating bansa.

Kapansin-pansin na hindi nagpapahuli ang mga OFWs sa pag-gawing ito, sila man ay lumilikha rin ng mga samahan o kundi man ay nakaka-anib sa mga asosasyong mula sa Pilipinas.

Nariyan ang "Mula sa Masa DU30 Movement o MMDM, ang Hugpong Federal, Kilusang Pagbabago at marami pang iba, maging ang partido Pulitikal ng Pangulo na PDP-Laban ay ginawa na ring tila  isang Peoples Movement (kilusang bayan).

Hindi nakapagtataka dahil sa ang sinusuong nilang layunin ay nauuwi lamang sa iisa, ito ay ang pagsusulong ng Federalismo, ang sistemeng pampamahalaan na ipinangako na noon pa man ng pangulo na ipatutupad kapag nanalo ito.

Ano nga ba ang tila magnetong dala ng Federalismo? 

Ito na nga ba marahil ang maghahango sa kahirapan ng bansa at na magiging daan ng pagkawala ng kurapsyon?

Sa ngayon hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng lahat, subalit naging isang magandang hudyat ito upang masalamin na maari pa rin palang magka-isa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng ganitong mga paraan.


Sana ang pagkakaisang ito ay maging tuloy-tuloy upang maibsan ang balakid sa pag-unlad ng ating bayan, at sana'y ito na ang maging daan ng kaunlaran para sa lahat upang sa ganoon madama nating hindi nagkamali ang mga OFWs na todo-suporta sa Federalismo.