Tinig
ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Noong
nakaraang Pebrero 28, 2018 ay nagkaroon ng “Summit for OFWs Concern” na ang
patnugot ay ang Department of Labor and Employment o DOLE.
Pangunahing
tinalakay ang pag-lift ng ban para sa mga mangagawang Pilipino sa Kuwait na
kasalukuyang pina-iiral bunga ng mga napabalitang malawakang pang-aabuso sa
hanay ng OFWs particular ang mga Household workers.
Sa kalagitnaan
ng pagpupulong ay mariing tinanong ng Secretario ng TESDA na nasa panel ng DOLE
ang solusyon para mapigilan ang mga pang-aabuso sa ating mga mangagawa. Aniya: Paano mapipigilan ang pang-aabuso sa mga OFWs?
Dahil sa dami
ng nagsidalo at na halos lahat ay may problema sa kani-kanilang kalagayan
(status) bilang mga manggagawa sa Kuwait, ay hindi nabigyan ng pagkakataon ang
inyong lingkod upang magsalita at makapagbigay sana ng suhestion hinggil sa
katanungang may kaugnayan sa paghahanap ng solusyon sa suliranin.
Ganun pa man,
nakatanim pa rin sa ating isipan ang isang idea na ina-akala nating kundi man
makapigil ay makababawas ng malaking porsyento % sa pang-aabusong nararanasan
ng ating mga kababayan, partikular sa mga nagta-trabaho sa gitnang silangan.
Kaya
sa pitak na ito ay ating isisiwalat ang panukala sa tatanggapin man o hindi ng
kina-uukulan.
Ngunit
bago natin alamin ang kasagutan sa tanong na: Paano mapipigilan ang pang-aabuso
sa mga OFWs? ay ugatin muna natin ang mga totoong kaganapan at aminin sana ng
bawa’t panig ang kani-kanilang pagkakamali o pagkukulang, dahil wika nga ni
TESDA Secretary: “kung hindi tayo aamin
ay wala tayong magagawang solusyon!”
Aminin
natin na sa katotohanan ay may balakid sa pagitan ng Embahada at ng OFWs, karaniwan
nang ang mga kawani o ilang opisyal ay mga suplado at matataas ang turing, na
nagiging dahilan kung kaya kimi ang mga OFW na may mga hinaing.
Hindi
maikakaila na ang mga indibidwal na OFWs ay takot lumapit sa embahada upang
mag-complain kahit na sila ay nasa bingit na ng kapahamakan, kaya ang
nangyayari ay sa mga Fil-Com leaders sila lumalapit at humihingi ng tulong.
Isang
katotohanan iyan at hindi mapabubulaanan, karansan na natin na daan daang
problemadong OFW ang sa atin ay dumudulog, samakatuwid ay ganoon din sa mga
ibang aktibo sa adbokasiya.
Ano naman ang
nagiging papel natin bilang mga kapuwa OFW na nagmamalasakit?
Sa simpleng
paraan ay humahanap kami/tayo ng mga pala-kaibigang opisyal ng gobyerno partikular
sa DFA at/o DOLE upang hingan ng tulong, na bagaman at nakatutulong ay limitado
lamang dahil wala tayo sa posisyon upang tahasang asikasuhin ang mga usapin,
kundi sa pamamagitan lamang ng boluntaryong pamamaraan.
Ngayon ano ang
nais nating ipabatid, at ano ang kaugnayan nito sa solusyon sa problema?
Simple, dahil
sa pangyayaring ito na isa sa ugat ng mga nangyayaring pang-aabuso, hinihimok
natin ang kina-uukulan na lumikha ng mga “representative” sa bawat pasuguan,
mga kinatawan na kukunin sa mismong hanay ng mga OFWs, dahil sila ang mas higit
na naka-aalam ng mga suliraning dinaranas ng kapuwa nila.
Ang mga
representative na ito kung mabubuo ang siyang magsisilbing mediator sa pagitan
ng OFWs at tauhan sa Embahada,
nakatitiyak na ang sinomang masasadlak sa mga hindi ina-asahang(aksidente)
kapahamakan, pang-aabuso at iba pang kauri nito ay walang pangingiming
makapaglalahad ng kanilang sumbong(complain) at agad na mabibigyan ng aksyon
dahil sa ang mga representante ay kasuwato na ng mga nasa pasuguan o alimang
ahensya na kina-uukulan.
Isang maliit
na bagay lamang ito na kung bibigyang pansin ay makapagbibigay ng kaginhawahan
sa pagtupad ng tungkulin ng bawa’t isa, maaari din itong maging paraan upang
mas mapaglapit ang ugnayan ng OFWs at Embahada na sa katotohanan ay
pinaghihiwalay ng pag-aalinlangan sa isa’t-isa.
Nakahanda ang ating
hanay upang ilahad ang mechanics at paraan kung paano paiiralin ang sistemang
ito, kaya kung mapagbibigyan ng isang masusing pagpupulong ay maaari tayong
makabuo ng isang lupon na magsasagawa upang mabigyang kalutasan ang lumalalang
suliranin.
Iminumungkahi
natin ang bagay na ito sapagka’t naniniwala tayo na seryoso ang gobyernong
Duterte na makapagbigay ng tunay na kalutasan sa mga problemang kina-kaharap ng
sector ng OFWs.
Sana totoong
solusyon ang nais mangyari at nawa ay mabigayan ng pagkakataon ang mga OFWs na
may kakayahan at malasakit upang
tumulong sa ating pamahalaan para sa ikagaganda ng kalakaran at maitaas ang
dignidad ng mga nakapaloob sa ating kumunidad.
Umaasa tayo na
mabibigyan ng masusing pag-aaral ang panukala nating ito, upang pakinabangan ng
mas nakararami, lalo’t-higit ay ng mga OFWs…✍