Thursday, May 19, 2016

Department of OFW, Nararapat ba?

Sa ating pananaw, Ayaw sana natin ng Department of  Overseas Filipino Workers (DOFW) dahil  mayroon nang ahensya na  tumutugon sa mga pangangailangan ng mga Filipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nariyan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA)  na silang naka-toka para pangalagaan ang mga OFWs at maging sandigan ng kanilang mga maka-batas na pangangailangan.

Bukod sa  may dalawa na tayong departamento at na may representasyon ng dalawang Secretario sa Gabinete, ay mayroon pang Presidential Adviser for OFWs. Kaya sa anong dahilan pa at lilikhain ang  Department of OFWs?

Kung bibigyang pansin, Kapag nagtayo ng DOFW ay para na rin nating  inamin  na magiging permanente na ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa  at wala ng hinto ang tinatawag na labor exportation ng mga Pilipino upang magtrabaho doon partikular ng mga kasambahay.

Hindi ba dapat na ang OFWs ay temporario lamang? Hindi ba ang nararapat ay mabawasan kundi matigil ang diaspora ng mga Pilipino? Na kundi man mawala lahat, ay mapaabot man lamang sana natin sa 30%  ang magiging OFW sa darating na panahon sa pamamagitan ng paglikha ng mga tiyak na trabaho sa ating sariling teritorio?

Ganun pa man dahil napapanahon at umabot na nga tayo sa mahigit 11million, Ang dapat sana ay pa-igtingin, linisin at gawin makatarungan ang pamamahala ng nasabing dalawang ahensya upang pangalagaan ang OFWs.

Sa palagay ko hindi na kailangan pang lumikha ng panibagong departamento, at sa halip ay ayusin na lamang ang pamamalakad ng DFA at DOLE upang maproteksyunan ang ating mga Bagong Bayani. Marami na tayong regulasyon at mga batas na magpo-protekta sa mga mamamayan, ang kulang nga lamang ay ang mabilis at tapat na pagpapatupad.

Sa kasalukuyan ay tinatayang mas maraming problema ang nalilikha ng mismo nating mga embahada sa ibat ibang panig ng mundo na yumuyurak sa karapatan ng mga Pilipino na rin. Iyan sana ang pagtuunan ng pansin ng ating bagong Presidente. Nararapat na ang total revamp sa mga tauhan at/o opisyal at ang pagpapatupad ng mga umiiral ng mga batas, na tila tahasang nalalabag ng mismong namamahala.

Ang mungkahi natin sa halip na likhain ang DOFW, Bakit hindi magbuo ng mga Consultative Bodies na binubuo ng mga lihitimong OFWs na siyang itatalaga sa mga embahada upang mabantayan ang kilos doon, maiwasan ang masamang paraan ng burokrasiya at ang pambubusabos ng mga tiwaling pinuno at kawani ng mga nasabing tanggapan.

Nawa ay makapag-buo ng mga kumite sa bawa't bansang may maraming bilang ng Pilipino, mga kumite na ihahalal ng mga OFWs mismo upang siyang mamatnugot sa kanila at mamagitan, magbantay at umugit sa mga embahada upang mabawasan kundi man mapigil ang mga katiwalian.

Subalit "kung" iyon ang nais ng ating Presidente na bumuo ng Department of OFW, Igagalang natin iyan at buong pagmamalasakit na susuportahan kapag na-ipatupad na!

No comments: