Ni: Bro. Junn Landicho
Sa idinaos na pulong sa Embahada ng Pilipinas sa Roma na dinaluhan ng maraming Filipino Community Leaders at mga taga embahada sa pangunguna ng Ambassador, nilinaw ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III na bago matapos ang taong 2017 ay ilalabas na ang IRR o Implementing Rules and Regulation ng iDOLE.
Minamadali umano ng itinalaga niyang kumite ang pag-aaral at pagsasa-ayos ng lahat ng mga programa ukol dito.
Magugunitang naging kontrobersyal ang issue dahilan sa hindi natiyak kung ito ba ay magiging libre o babayadan at kung may bayad nga ang pag-imprenta nito, ngunit ang tanong ay sino ang magsasabalikat ng mga gastusin.
Sa gitna ng pag-uusap ay tiniyak ng kalihim na magiging maluwag ang implementasyon at kung may kaunti mang dalahin ang mga OFWs ay hindi ito magiging sagabal sa kanilang mga naka-ugalian.
Sinagot din ni Bello ang tanong ng grupong TaskForce - OFW International tungkol sa OEC, anipa ng kalihim wala ng saysay na pag-usapan pa ang tungkol dito at wala ng dapat ipag-alala ang mga OFWs dahilan sa kapag naipatupad na ang pamamahagi ng iDOLE, ito na ang magsisilbing kapalit(subtitute) sa nasabing dokumento (OEC) para sa malayang pagbyahe ng isang OFWs o maging ang mga dating(former) OFW sapagka't sakop nito ang nasabing sector.
Tinalakay din pulong ang kasalukuyang sitwasyon ng peace talk, ang tungkol sa human rights at maging ang katiyakan ng pagtatayo ng OF-Bank (kilala bilang OFW Bank), subalit nanatiling wala siyang naging komento (no comment) sa usapin ng panukalang batas tungkol sa binabalangkas na Department of OFW.
Ganun pa man ay punong-puno ng pag-asa ang mga nakibahagi sa diyalogo lalo na nang mabatid mula mismo sa mga labi ng butihing Secretario na tuluyan ng aalisin ang OEC na matagal ding panahong naging kontrobersyal sa mundo ng mga OFWs.