Noong nakaraang linggo sa pagdiriwang ng 12th Anniversary ng DGPII (DANGAL GUARDIANS) na ginanap sa Roma ay tinanong ang inyong lingkod ng ilang mga Guardians Cagliari Chapter tungkol sa Bangsa Moro Basic Law (BBL)
Tanong: Pabor po ba kayo sa BBL?
Sagot: Wala akong tutol diyan kaya masasabing ito ay aking pinapaboran, Subalit hindi ako sang-ayon sa kanilang proseso.
Tanong: Bakit po hindi kayo sang-ayon sa proseso?
Sagot: Kasi kundi man mali, sa tingin ko ay kulang yung sistemang ginagawa. Hindi balanse, kapansin-pansin kasi na tila may pinapaboran, parang may lihim na itinatago eh. Isa pa kaya naman natin, hindi na kailangang maki-alam pa ang ibang bansa lalo na ang Malaysia. Ito ay usaping panloob kaya tayo mismong mga Pilipino ang dapat lumutas nito at kaya natin, ang kailangan lamang ay maging balanse ang matataas na opisyal ng ating pamahalaan lalong-lalo na ang Pangulo.
Tanong: Naniniwala ba kayo na ang BBL ang solusyon para makamit ang kapayapaan sa Mindanao?
Sagot: Oo, "KUNG" itutumpak ang proseso gaya ng nabanggit ko na at higit sa lahat nararapat na gawing pangkalahatan ang usapin.
Tanong: Ano pong pangkalahatan?
Sagot: Yung lahat ay kakausapin hindi isang grupo lamang, Iyan ang nais kong tukuyin na pangkalahatan, Gaya ng MNLF, MILF, BIFF, mga Lumad(katutubo at lihitimong Mindanaoan) lahat... lahat ng iniisip nating nagri-rebelde. Dapat iyan ay kasama sa pag-uusap dahil lahat sila ay apektado, Eh papaano nga kung pumasa ang BBL na ang kasangguni ay MILF lamang, Sa palagay mo hindi naman magre-request ng panibagong pag-uusap ang MNLF? Alalahanin ninyo mayroon ng ARMM at ito ay maayos naman sa loob ng maraming taon.
Tanong: Kung kayo ang tatanungin, dapat bang ipasa na agad ang BBL?
Sagot: Hindi muna sana, dapat huwag muna, mas mainam na pag-aralang mabuti kasi maapektuhan ang ibang mga concern, maiiwan sila at malaki ang posibilidad na magdamdam, kaya sa palagay ko pag nagka-ganoon, lalong gugulo sa halip na kapayapaan. Identified Balik-Islam ako, kaya matimbang pareho sa akin ang dalawang grupo, ang MNLF at MILF, at hindi lamang sila kundi ang lahat ng Mindanaoan. Kaya kung magkakaroon ako ng karapatan na makapag-payo, igigiit ko na dapat ay konkretong pagkaka-isa (perfect unity) ang gawin upang sa ganoon mas mapa-paigting pang lalo ang ating malasakit hindi lamang sa Mindanao bagkus ay sa buong Pilipinas.
Tanong: Sa palagay ninyo, kung sakaling hindi pumasa ang BBL, may pag-asa pa ba sa kapayapaan o may alternative po ba?
Sagot: Oo meron, na kung ito ang gagawin sa palagay ko ay mas epektibo, una i-modify ang ARMM, pangalawa isama ang lahat sa dialogo o pag-uusap upang sa ganoon ay makabuo ang isang pagkalahatang pagbalangkas, pangatlo tutukan sa agenda ang "welfare, education, health, trabaho at pabahay" at kapag napagkasuduan na iyan, saka naman iyong tungkol sa paghawak ng kapangyarihan na sasang-ayunan ng ating konstitusyon. Malaki ang magagawa kasi kapag stable muna tayo sa Mindanao, yung mga panlabas na problema natin gaya ng Spratly at Sabah, ay makakaya na nating harapin kapag naibalik na ang ating katatagan.
Tanong: Papaano po natin mahaharap ang mga iyan lalo na ang China at Malaysia, mayaman sila at malakas?
Sagot: Kaya lang naman malakas ang loob ng mga iyan dahil nakikita nila na hindi pa tayo nagkaka-isa. Maniwala ka kapag na-solid tayo, kayang kaya nating itaboy ang mga iyan, lalo na ang Sabah, parang kidlat sa bilis na mababawi natin. Madali naman pagka-isahin ang ating mga rehiyon, Ito ay kung magiging balanse lamang ang namamahala sa ating pamahalaan at magiging makatarungan sa pagtrato sa mga mamamayan mula sa kaliit-liitang nayon hanggang sa malalaking mga syudad.
Tanong: Last na po! Bakit po maraming nagre-rebelde, iba ibang grupo at mabilis dumami ang mga ito, may NPA, Abusayaf, BIFF, MILF, MNLF at mayroon pang Ilaga?
Sagot: Simple lang, kakulangan sa tamang edukasyon, sapat na ikabubuhay at ang di pagkakamit ng katarungan. Kung sapat ang ka-alaman ng isang mamamayan sa takbo ng lipunang kaniyang ginagalawan, sa palagay mo pwede kaya siyang linlangin ng mga grupong hihimok sa kaniya para lumaban sa pamahalaan, lalo't batid niya na bahagi siya mismo ng pamahalaang ito? Sa palagay mo kung may sapat na sahod, mababang gugol sa pangangailangang pangkalusugan at pag-aaral, mga bilihing kung hindi man mura ay may balanseng presyo, makakakita ka kaya sa lansangan ng may dalang mga placard at sumisigaw? Kaya... "kung" mapagtutuonan ng pansin ng mga namamahala sa pamahalaan ang pagbalanse sa lahat ng ating mga nabanggit pangunahin na ang pangkabuhayan, mawawala ang rebelyon dahil madarama ng mga mamamayan ang kahulugan ng pagiging pantay-pantay sa lipunan.
Nagta"tanong": Salamat po "RMG Luwalhati"!
Suma"sagot": Sa inyo ako dapat magpasalamat, dahil sa pamamagitan ng simpleng pag-uusap nating ito ay maaari ma-isiwalat ang ating saloobin na baka-sakaling makapagbigay ng kahit kaunting karagdagang ideya para sa progreso at kapayapaan ng ating bayan!
No comments:
Post a Comment