Muli kong binalikan ang nakaraang SONA (State of the Nation Address) ng Pangulong Benigno S. Aquino III.
Paulit-ulit kong inarok ang damdaming kanyang iniuukol sa mga mamamayan sa pamamagitan ng kanyang talumpati.
Mapapansing marami siyang puna sa mga nagdaang adminstrayon, bagama't mayroon din naman mgagandang pananalita lalo pa at patungkol sa sinasabi niyang mga nagawa at sa kaunlarang kaniyang tinalakay.
Bilang Presidente ay nauunawaan natin ang kaniyang kalagayan, hindi biro ang mamahala sa isang bansa.
Subalit sa sulok ng kaniyang pagpapahayag hinahap ko ang mga kataga patungkol sa mahigit na pitong milyong OFW na kanilang binigyan ng kategoriya bilang mga bagong bayani ng bansa sa makabagong panahon.
Subalit wala akong nahagilap, kahit isang lunggati ng pagbati ay hindi kinakitaan ang okasyong yaon.
Hindi na natin hinahangad ang mapasalamatan, subalit marahil naman kahit papaano ay dapat mabigyan ang kaunting pag-alala hindi na ang pagiging bayani na sila rin lamang naman ang umimbento kundi bilang mga Pilipino na namumuhay ng malayo sa lupang kaniyang sinilangan.
Subalit wala, Wala akong narinig at sa aking pagbabalik tanaw ay wala rin akong nabasa.
Napakasakit sapagka't batid natin ang mga kapahamakang bunga ng halos kapabayaan ng mga nanunungkulan sa ating pamahalaan ang kinasasadlakan ng maraming OFWs sa bawa't panig ng mundo.
Maraming mga mali at masasaklap na pagtrato na kung magka-minsan ay ang atin mismong mga pasuguan (embahada o konsulado) na itinalaga ang siyang nagunguna sa pagduhagi sa ating mga kapuwa Pilipino.
Hindi ko mapigil ang pagpatak ng aking luha sa tuwing ma-alala na sa kabila ng kinasadlakang ito ng marami nating mga kababayan dulot ng kanilang kapabayaan, ay hindi man lamang nabanggit sa kaniyang palatuntunan at sabihin man baga kahit pakunwari na "kumusta na kayo"?
Bakit ganoon? Ito ang aking katanungan.
Wala bagang bahagi ang mga OFW sa ating lipunan.
Sila baga ay mga anak na pinabayaan bagaman at hindi naman mga lumayog na alibughà ?
Sila baga ay mga anak na pinabayaan bagaman at hindi naman mga lumayog na alibughà ?
Nakalulungkot papa-alis na siya, iiwan na ang tungkuling kaniyang tinamasa sa pamamagitan ng mga mabulaklak na pangako.
Nasaan?
Nasaan na ang bunga ng mga katagang "kayo ang Boss ko"?
Nasaan?
Nasaan na ang bunga ng mga katagang "kayo ang Boss ko"?
Nasaan ang sinumpaang ipagtatanggol ang bayan ng na-aayon sa Saligang Batas?
Nasaan ang tunay na pagkalinga sa mga OFW na nakikipamayan sa ibang lahi dahilan sa halos walang puwang ang magkaroon ng ma-ayos na pamumuhay at ika-bubuhay sa sariling bansa?
Ginoong Presidente nakalulungkot isipin na kaming mga OFW na kahit sa hindi sinasadyang paraan ay malaki ang ambag sa ating bayan.
Kami na sinasabi ninyo sa pamamagitan ng mapang-akit na katagang "mga bagong bayani".
Kami na mga lihitimong mga Pilipino.
Kami ay iyong pinababayaan o kundi man ay talagang kinalimutan!