Monday, July 6, 2015

Hanap-buhay, edukasyon at kalusugan ang pangunahing kailangan ng bayan.

Ang isang pamayanang napabayaan at tila nilimot ng kaniyang pamahalaan ay nagkakaroon ng damdaming mag-aklas laban sa kanyang pamunuan, sapagka't sa kaniyang puso ay sumisibol ang damdamin ng ka-apihan. 

Ito naman ang kinakasangkapan ng mga mapagsamantala upang sila'y linlangin at gamitin sa pansariling paghahangad. Ang ay mithiing agawin ang pamumuno  upang ipataw ang sistemang kanilang binalangkas upang pamatnugutan ang kanilang pamantayan ng paghahari. 

Ang bayang sakbibi ng panghahamak ay madaling marahuyo sa pangakong kalayaan. Bagama't ang kalayaan ito ay tinatamasa na ngunit nalalambungan naman ng pagsasamantala kung kaya ina-akalang  ito'y hindi pa nakakamit. 

Sa kalagayang ito, nararapat na mag-isip ang mga tunay na may malasakit. Kailangang kumilos upang iligtas ang bansang hilahil sa pandarayukdok ng magkabilang panig na ang nais ay ilubog sa pagka-alipin ang kanilang mga kapatid na ang tanging nalalaman lamang ay ang mamuhay ng payak sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. 

Ang sitwasyong ito ang nagtulak upang aking paka-limiin ang pagdamay sa mga nagdaralita dahilan sa ang tapat na pagtulong at pagmamalsakit ang isa sa pinakamabuting paraan upang masubhan ang apoy ng hinanakit sa puso ng isang simpleng kumunidad na nakararanas ng kapabayaan. 

Hanap-buhay, Edukasyon at Kalusugan, Ito ang pangunahing dapat bigyang pansin ng mga kina-uukulan upang ang taong-bayan ay huwag ma-akit na suwagin ang gobyernong siya rin ang pangunahing kabilang dahilan sa ito ay kaniyang pag-aari. 


Sa kaunting kakayahan, Sa kalagayan kong walang katungkulan ay sinisikap kong ipa-abot sa maliliit na kababayan ang aking nakakayanan upang sa ganoon kahit man lamang sa pamamagitan ng aking munting pagkatao ay madama nila na mayroon palang naka-uunawa sa kanilang kalagayan, Na hindi pala naman nakalihis ang landas ng kanilang pamumuhay sa halip ay ka-agapay pa rin at kabilang sa isang katawang pambansa na tumatahak sa bulaos patungo sa isang masaganang liwasan. 

Hindi pa huli, Sama-sama tayo, Ibabalik natin ang dignidad ng ating bansa!

No comments: