Saturday, March 10, 2018

Pang-aabuso sa OFWs at kapahamakan paano lulutasin?


Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Noong nakaraang Pebrero 28, 2018 ay nagkaroon ng “Summit for OFWs Concern” na ang patnugot ay ang Department of Labor and Employment o DOLE.

Pangunahing tinalakay ang pag-lift ng ban para sa mga mangagawang Pilipino sa Kuwait na kasalukuyang pina-iiral bunga ng mga napabalitang malawakang pang-aabuso sa hanay ng OFWs particular ang mga Household workers.

Sa kalagitnaan ng pagpupulong ay mariing tinanong ng Secretario ng TESDA na nasa panel ng DOLE ang solusyon para mapigilan ang mga pang-aabuso sa ating mga mangagawa. Aniya: Paano mapipigilan ang pang-aabuso sa mga OFWs?

Dahil sa dami ng nagsidalo at na halos lahat ay may problema sa kani-kanilang kalagayan (status) bilang mga manggagawa sa Kuwait, ay hindi nabigyan ng pagkakataon ang inyong lingkod upang magsalita at makapagbigay sana ng suhestion hinggil sa katanungang may kaugnayan sa paghahanap ng solusyon sa suliranin.

Ganun pa man, nakatanim pa rin sa ating isipan ang isang idea na ina-akala nating kundi man makapigil ay makababawas ng malaking porsyento % sa pang-aabusong nararanasan ng ating mga kababayan, partikular sa mga nagta-trabaho sa gitnang silangan.

Kaya sa pitak na ito ay ating isisiwalat ang panukala sa tatanggapin man o hindi ng kina-uukulan.

Ngunit bago natin alamin ang kasagutan sa tanong na: Paano mapipigilan ang pang-aabuso sa mga OFWs? ay ugatin muna natin ang mga totoong kaganapan at aminin sana ng bawa’t panig ang kani-kanilang pagkakamali o pagkukulang, dahil wika nga ni TESDA Secretary: “kung hindi tayo aamin ay wala tayong magagawang solusyon!”

Aminin natin na sa katotohanan ay may balakid sa pagitan ng Embahada at ng OFWs, karaniwan nang ang mga kawani o ilang opisyal ay mga suplado at matataas ang turing, na nagiging dahilan kung kaya kimi ang mga OFW na may mga hinaing.

Hindi maikakaila na ang mga indibidwal na OFWs ay takot lumapit sa embahada upang mag-complain kahit na sila ay nasa bingit na ng kapahamakan, kaya ang nangyayari ay sa mga Fil-Com leaders sila lumalapit at humihingi ng tulong.

Isang katotohanan iyan at hindi mapabubulaanan, karansan na natin na daan daang problemadong OFW ang sa atin ay dumudulog, samakatuwid ay ganoon din sa mga ibang aktibo sa adbokasiya.

Ano naman ang nagiging papel natin bilang mga kapuwa OFW na nagmamalasakit?

Sa simpleng paraan ay humahanap kami/tayo ng mga pala-kaibigang opisyal ng gobyerno partikular sa DFA at/o DOLE upang hingan ng tulong, na bagaman at nakatutulong ay limitado lamang dahil wala tayo sa posisyon upang tahasang asikasuhin ang mga usapin, kundi sa pamamagitan lamang ng boluntaryong  pamamaraan.

Ngayon ano ang nais nating ipabatid, at ano ang kaugnayan nito sa solusyon sa problema?

Simple, dahil sa pangyayaring ito na isa sa ugat ng mga nangyayaring pang-aabuso, hinihimok natin ang kina-uukulan na lumikha ng mga “representative” sa bawat pasuguan, mga kinatawan na kukunin sa mismong hanay ng mga OFWs, dahil sila ang mas higit na naka-aalam ng mga suliraning dinaranas ng kapuwa nila.

Ang mga representative na ito kung mabubuo ang siyang magsisilbing mediator sa pagitan ng OFWs at  tauhan sa Embahada, nakatitiyak na ang sinomang masasadlak sa mga hindi ina-asahang(aksidente) kapahamakan, pang-aabuso at iba pang kauri nito ay walang pangingiming makapaglalahad ng kanilang sumbong(complain) at agad na mabibigyan ng aksyon dahil sa ang mga representante ay kasuwato na ng mga nasa pasuguan o alimang ahensya na kina-uukulan.

Isang maliit na bagay lamang ito na kung bibigyang pansin ay makapagbibigay ng kaginhawahan sa pagtupad ng tungkulin ng bawa’t isa, maaari din itong maging paraan upang mas mapaglapit ang ugnayan ng OFWs at Embahada na sa katotohanan ay pinaghihiwalay ng pag-aalinlangan sa isa’t-isa.

Nakahanda ang ating hanay upang ilahad ang mechanics at paraan kung paano paiiralin ang sistemang ito, kaya kung mapagbibigyan ng isang masusing pagpupulong ay maaari tayong makabuo ng isang lupon na magsasagawa upang mabigyang kalutasan ang lumalalang suliranin.

Iminumungkahi natin ang bagay na ito sapagka’t naniniwala tayo na seryoso ang gobyernong Duterte na makapagbigay ng tunay na kalutasan sa mga problemang kina-kaharap ng sector ng OFWs.

Sana totoong solusyon ang nais mangyari at nawa ay mabigayan ng pagkakataon ang mga OFWs na may kakayahan at malasakit upang tumulong sa ating pamahalaan para sa ikagaganda ng kalakaran at maitaas ang dignidad ng mga nakapaloob sa ating kumunidad.

Umaasa tayo na mabibigyan ng masusing pag-aaral ang panukala nating ito, upang pakinabangan ng mas nakararami, lalo’t-higit ay ng mga OFWs…

Wednesday, February 14, 2018

Duterte Effect tila hindi ramdam ng mga OFWs sa Italia


Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Sa pagbubulay ko, ito ang aking napagtuunan ng pansin; Since 2015 pa nag-oorganize na ang mga Pilipinong supporters ni Pangulong Duterte dito sa Italia, at naipanalo nga ang pinaniniwalaan nilang magpapabago ng sistema ng bansa partikular na ang dating masamang pagtrato sa mga OFWs.

Subalit tila magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin nararamdaman ang tinatawag na Duterte effect ng mga Pilipinong naninirahan sa bansang ito.

Tama naipanalo na nga nila yaong gustong manalo, at sa tingin ko, nararapat din naman na gumawa sila ng para sa kanilang kapakanan at kalagayan, panahon na para ipanawagan ang kanilang mga talagang hinaing.

Kaya ang pagabalak ng isang malakihang manipestasyon sa February 22 / 25, 2018 dito sa Roma ay hindi lamang isang bugso ng damdaming suportahan ang kasalukuyang Administrasyon kundi isang mainam na sandali upang amukiin ang pansin ng Pangulo upang mabigyang katuparan ang matagal ng kailangan at mithiin ng mga “Overseas Filipinos” o Diaspora  lalo’t higit ay ng mga OFWs sa Italia.

Nararapat  nating ipabatid kay tatay Digong na kailangan dito ng Shelter para sa mga biglaang pangyayari gaya ng pagkawala ng trabaho ng ilan, mga pagkakasakt na hindi sakop ng sustine ng gobyerno ng Italia at marami pang kadahilanan.

Kailangan din natin ng isang Ambassador na aaktong ama para sa lahat ng mga Pilipino at hindi para lamang sa iilang lider ng Fil-Com na hidhid at sipsip sa embahada.

Isang pinuno ng Pasuguan na magtataas sa antas ng kalagayan ng mga migranteng Pilipino at hindi siyang pasimuno ng pagbalahura sa dignidad nito, gaya ng mga nakaraang pangyayari, partikular ang bantog na pagtanggal sa middle name ng mga Pilipino sa kanilang mga personal na documento.

Kailangan rin ng isang Abogado, Psycholosìgist at ng isang Representative ng DSWD na may kakayahan sa kanyang atas, ATN Officer na may kapasidad mamagitan sa mga sigalot ng mga mamamayan at kakayahang magtanggol, mga Staff na may pagtratong kundi man kapatid o kaibigan ay tratuhin man lamang kami na isang kababayan at iba pang Opisyal na may kakayahan at malasakit na lumikha ng mga programang napapanahon at tutulong sa ating Kumunidad, lalo na ng para sa ating mga Kabataan at Senior Citizen.

Simula ng manungkulan si PRRD marami ng mga opisyal ng gobyerno ang bumisita dito, mayroong Secretary, Under Secretary, Assistant Secretary, mga Commissioner at iba pang mga uri ng opisyal.

Subalit tila ang mga napagtalakayan sa mga pagpupulong na ginanap ay mga pangarap pa lamang at hanggang sa ngayon ay naghihintay pa rin ng katuparan kung magaganap nga baga ito o hindi o kung kailan.

Sana sa darating na mga araw ay mabigyang pansin ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino sa Italia.

Sana balansehin  ng mga opisyales ng gobyerno  na dumalaw dito ang mga report na idinulog sa kanila upang mabigyan katarungan ang tunay na pangyayari na kinasadlakan ng mga mamamayan.

Sana huwag namang basta maniwala sa mga fil-com lider na kanilang unang nakasalamuha at nakasama sa pagpapa-picture at sa mga kawani ng embahada na ang karaniwang buod ng salaysay ay pawang balintuna sa mga tunay na kaganapan.

Sana alamin at limiing mabuti kung ano ang talagang hinaing ng bayan!


SANA…

Tuesday, January 2, 2018

7 taon na ang nakaraan Middle Name problema pa rin ng Pilipino sa Italia

Tinig ng OFW
Ni Bro . Junn Landicho


Samu't-sari ang mga issue pagdating sa buhay ng OFWs, gaya halimbawa noong 2010 naging mabigat na usapain ang tungkol sa middle name dahil ito ay ipinatanggal ng mismong embahada sa mga personal na documento ng mga Pilipino na dito.

Sari-saring dahilan at kalaunan ay sinasabing ito raw ay batas ng Italia, subalit kung susuriing mabuti ay kabalintunaan ang lahat, Nauna nang na-itala na ang bagay na ito ay inisyatibo mismo ng Philippine Embassy at hindi ng Italian government kung kaya ang kanilang mga pahayag ay mga panlilinlang lamang.

Napakasakit isipin na kahit hindi man lamang sumasagi sa isipan ng gobyernong ito (Italian Government) ang tungkol sa middle name ay kusa itong ipinangalandakan ng  embahada na kailangang tanggalin, na nagbunga ng pagtanggal sa sariling karapatan ng isang Pilipinong dayuhan sa Italia upang gumamit ng kaniyang personal na pagkakakilanlan ng na-aayon sa sarili niyang pagpapasya na hindi naman makasisira sa pamayan ni hindi banta sa siguridad ng bansa.

Kamakailan lamang isang Pilipino na naman ang pinagpabalik-balik ng isang ahensya ng gobyerno ng Italia dahil ang kaniyang Permesso di Soggiorno (permit of stay) ay walang middle name at na hindi kasuwato ng kaniyang Pasaporte na mayroon nito.

Isang ka-abalahan sa isang manggagawa ang magpaliban-liban sa kaniyang trabaho at trauma na nagulat na lamang sa mga pangyayari, bukod pa sa may panganib na matanggal dahil sa paulit-ulit ng pagliban.

Tinanong natin ang pamunuan ng embahada sapagkat ang payo ng Italiano ay isa-ayos ang P.Soggiorno na dapat ay kasuwato ng Pasaporte, Subalit mariin nilang sinabi na hindi maaaring ilagay ang middle name sa Italian  document dahil lalabag di-umano sa agreement ng DFA at ng Italian Government.

Ang tanong anong agreement? Nasaan ito? Bakit hindi ito nalalaman ng mahigit dalawang daang libong (200.000) Pilipino sa Italia na siyang apektado? Ito ba ay panibagong panloloko lamang ng Philippine Embassy na naka-base sa Roma?

Nagsusumamo kami sa gobyernong Duterte at kay Secretary Allan Cayetano, Sana po ay matuldukan na ito, Itong mahigit na pitong taon ng pambabalahura ng embahada sa aming mga OFWs dito sa Italia.

Umaasa pa rin kami na may katotohanan ang pagtawag sa amin na mga bagong bayani at naniniwalang ang Duterte Government ay maka-OFW at hindi maka-opisyal ng gobyernong walang malasakit sa nandarayuhang Pilipino.