Wednesday, February 14, 2018

Duterte Effect tila hindi ramdam ng mga OFWs sa Italia


Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Sa pagbubulay ko, ito ang aking napagtuunan ng pansin; Since 2015 pa nag-oorganize na ang mga Pilipinong supporters ni Pangulong Duterte dito sa Italia, at naipanalo nga ang pinaniniwalaan nilang magpapabago ng sistema ng bansa partikular na ang dating masamang pagtrato sa mga OFWs.

Subalit tila magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin nararamdaman ang tinatawag na Duterte effect ng mga Pilipinong naninirahan sa bansang ito.

Tama naipanalo na nga nila yaong gustong manalo, at sa tingin ko, nararapat din naman na gumawa sila ng para sa kanilang kapakanan at kalagayan, panahon na para ipanawagan ang kanilang mga talagang hinaing.

Kaya ang pagabalak ng isang malakihang manipestasyon sa February 22 / 25, 2018 dito sa Roma ay hindi lamang isang bugso ng damdaming suportahan ang kasalukuyang Administrasyon kundi isang mainam na sandali upang amukiin ang pansin ng Pangulo upang mabigyang katuparan ang matagal ng kailangan at mithiin ng mga “Overseas Filipinos” o Diaspora  lalo’t higit ay ng mga OFWs sa Italia.

Nararapat  nating ipabatid kay tatay Digong na kailangan dito ng Shelter para sa mga biglaang pangyayari gaya ng pagkawala ng trabaho ng ilan, mga pagkakasakt na hindi sakop ng sustine ng gobyerno ng Italia at marami pang kadahilanan.

Kailangan din natin ng isang Ambassador na aaktong ama para sa lahat ng mga Pilipino at hindi para lamang sa iilang lider ng Fil-Com na hidhid at sipsip sa embahada.

Isang pinuno ng Pasuguan na magtataas sa antas ng kalagayan ng mga migranteng Pilipino at hindi siyang pasimuno ng pagbalahura sa dignidad nito, gaya ng mga nakaraang pangyayari, partikular ang bantog na pagtanggal sa middle name ng mga Pilipino sa kanilang mga personal na documento.

Kailangan rin ng isang Abogado, Psycholosìgist at ng isang Representative ng DSWD na may kakayahan sa kanyang atas, ATN Officer na may kapasidad mamagitan sa mga sigalot ng mga mamamayan at kakayahang magtanggol, mga Staff na may pagtratong kundi man kapatid o kaibigan ay tratuhin man lamang kami na isang kababayan at iba pang Opisyal na may kakayahan at malasakit na lumikha ng mga programang napapanahon at tutulong sa ating Kumunidad, lalo na ng para sa ating mga Kabataan at Senior Citizen.

Simula ng manungkulan si PRRD marami ng mga opisyal ng gobyerno ang bumisita dito, mayroong Secretary, Under Secretary, Assistant Secretary, mga Commissioner at iba pang mga uri ng opisyal.

Subalit tila ang mga napagtalakayan sa mga pagpupulong na ginanap ay mga pangarap pa lamang at hanggang sa ngayon ay naghihintay pa rin ng katuparan kung magaganap nga baga ito o hindi o kung kailan.

Sana sa darating na mga araw ay mabigyang pansin ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino sa Italia.

Sana balansehin  ng mga opisyales ng gobyerno  na dumalaw dito ang mga report na idinulog sa kanila upang mabigyan katarungan ang tunay na pangyayari na kinasadlakan ng mga mamamayan.

Sana huwag namang basta maniwala sa mga fil-com lider na kanilang unang nakasalamuha at nakasama sa pagpapa-picture at sa mga kawani ng embahada na ang karaniwang buod ng salaysay ay pawang balintuna sa mga tunay na kaganapan.

Sana alamin at limiing mabuti kung ano ang talagang hinaing ng bayan!


SANA…

No comments: