Tuesday, March 24, 2015

MAY PAG-ASA PA ANG BANSANG PILIPINAS

Habang dumaraan ang mga araw, buwan at taon, patuloy nating namamalas ang paghina ng ating bansa. Tila hindi mapigilan ang daloy pababa ng ating ekonomiya, walang alinlangan na ka-alinsabay nito ay ang pagbaba ng moral at dignidad nating mga Pilipino.

Ang ating mga karatig bansa gaya ng Malaysia, China, Vietnam at iba pa ay halos buong layang nakapanduruhagi sa atin. Ang usapin ng Spratly at Sabah ay isang malinaw na larawan ng ating pagiging lampa sa larangan ng pagtatanggol sa sarili.

Kung wawariin ay para bagàng wala ng pag-asa na tayo ay maka-ahon dahil sa patuloy ang pagbulusok ng ating kahinaan.

Ngunit bakit?  Sino nga ba ang may sala?

Sa kalaunan ang  nasisisi natin ay ang pamahalaan dahil sa kapabayaan nito sa kaniyang mga nasasakupan at ang tila karuwaggan sa pakikihamok. 

Maaaring tama ang ating hinuha, subalit dapat din naman nating limiin na tayo rin naman na mga karaniwang mamamayan ay may bahagi sa pagka-dayukdok ng ating bansa.

Ano nga ba ang kulang sa  atin? Ano ang nararapat na sana'y maging bahagi natin upang sa ganoon ay magkakasama nating paandarin ang ating lipunan?

Isang bagay lamang ang ating magagawa at kung magkakaganoon tayo ay muling uunlad, muling dadakila, muling mababalik ang  mataas na rispeto sa atin ng ating mga karatig bansa.

Ang bagay na ito ang kulang sa atin, isang kaisipang napakadali subalit para bagàng nahihirapan tayong isagawa.   Oo!   Ang pagkaka-isa, ito ang kulang sa atin.

Kung magkaka-isa lamang tayo ng adhikain, kung magsasama-sama lamang tayo sa iisang layunin, madali para sa atin ang maging malakas, mas mabilis tayong makapagbabalangkas ng isang programa upang makabuo ng isang masaganang pamayanan, hindi mahirap ang makapili ng tamang pinuno na magiging gabay natin sa pambansang paglalakbay tungo sa tagumpay.

Tunghayan natin ang usapin ng Spratly at Sabah, Ang totoo kaya nating pangalagaan at kung ito’y kanila ng nasakop ay maaari natin pa itong bawiin.

Ngunit papaano?   Gaya ng natalakay na ang kailangan lamang ay ang pagkaka-isa, isang tunay na pagsasama-sama at pagsasagawa ng makatarungan at tiyak na sistema.  

Subalit magagawa lamang natin iyan kung masasagot ang mga itinatagong katanungan.

 “Ang una ay bakit nga ba may mga rebelde, bakit sila nari-rebelde?”

Simple lamang ang ugat ng pag-aaklas, ito ay ang gutom bunga ng kakulangan sa ika-bubuhay gayong batid natin na mayaman ang ating bansa, ang kakulanggan sa edukasyon at kawalan ng tamang pagkalingga (welfare)  mula sa ating mga namamahala.  

Ito ang nagiging dahilan kung kaya napipilitan ang isang ama ng tahanan na ma-akit sumama sa bundok.  Ito rin ang nagiging kasangkapan ng mga lupon na nais magsamantala at maghari sa bawat kanilang masasakop, nagagamit itong propaganda upang galitin ang mamamayan lalo na ang mga mag-aaral.

Ating arukin ang mga malalaking grupo ng mga rebelde o ang tawag sa sarili ay mga rebolusyunario, Ibigay natin ang isang tiyak at makabayang mungkahi.  Bakit hindi tayo magsama-sama, bakit kinakailangang ang kalabanin natin ay ang ating mismong “sariling” pamahalaan?

Ano ba ang dahilan ng rebelyon, hindi ba ang kahirapan? Ngunit kung wala ng paghihirap ano pa ang dahilan ng pagsalungat sa namumuno?   O hindi ba ang ang isa sa mga dahilan ng pag-aaklas ay nais ng iba na magsarili? 

Subalit kung mayroon ng masaganang kasarinlan sa loob ng isang nagkakaisang simulain, Sa nagkakaisang pamamahala na ina-ayunan ng mga mamayan dahil sa makatarungang pagtrato, Ano pa ang hahangarin, Ano pa ang dahilan upang mamuo ang mga kaguluhan?

May paraan, isang tamang awtonomia sa tumpak na panahon.  Subalit nararapat na magka-isa muna tayo na labanan ang ibang lahi at pagkatapos niyaon ay magbahagi tayo ng pamamahala sa loob ng nagkaka-isang kaisipan. Pamahalaang kahalintulad ng mga dating balangay na sinasaklawan ng mga makatarungang mga Datu at itinataguyod ng isang Raha o Sultan.

Maaari tayong maging malakas kung nagkaka-isa, Maaari nating bawiin ang Sabah at pagkatapos magsanggunian patungo sa isang makatarunang “Awtonomia” kasama ang Sulu sa ganoon bukod sa maibabalik natin ang makasaysayang pagkaka-kilanlan(historical identity) ay makalilikha pa tayo ng magkasanib(mutual) na pwersa para mas palakasin ang ating ekonomiya, partikular ang kalakalan. 

Kapag naibalik na natin ang ating kaunlaran, makapagtatamasa na tayo ng isang malusog na pamayanan at/o  nagkakaisang kumunidad.

Bakit hindi muna tayo magsanib bilang mga nagkaka-isang Pilipino,  ang pwersa ng ating mga “rebolusyunariong grupo” at ang ating lihitimong Sandatahan?  Isa ito sa paraan upang maipakita natin ang tunay na pagkaka-isa upang ipagtanggol ang pag-aari nating teritoyo sa Spratlies at iba pang mga isla.

Hindi pa huli, kung tayo’y magkaka-isa, kung aalisin ang pangsariling kasakiman, magtatagumpay tayo, mababawi natin ang ating mga lihitimong pag-aari, maipagtatanggol natin ang ating mga sakop ng walang takot at pag-aalinlangan. Kung magkaka gayon may katiyakang ang ang magiging bunga nito ay ang magandang kinabukasan ng ating bansa hanggang sa susunod na henerasyon.


Hindi natin sinasabi na magbaba sila (mga rebolusyunario) ng armas ngunit dapat itong gamitin sa pagtatanggol sa bayan laban sa mga mananakop. 

Ang sandata ay dapat i-umang sa mga dayuhan hindi sa mga kapatid.

Panahon na para magka-isa, panahon na para magsama-sama, panahon na para mag-isip patungkol sa kinabukasan ng ating mga susunod na saling-lahi.

Sama-sama tayo, ibabalik natin ang dignidad ng ating bansa!

Nasa pagkaka-isa ang tagumpay ng masa!


Datuk (Sir) Felix M. Landicho Jr., KRSS
           “COMUNARCHISM”

No comments: