Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Tila walang takot ang ilang kawani at/o opisyal na ipinadadala natin sa mga pasuguan, marami pa rin ang mga pasaway na nagha-hari harian sa mga tungkuling nilang ginagampanan.
Kamakailan isang kababayan natin sa Roma ang nadismaya dahil labin-limang minuto pa bago ang pagsasara ng tanggapan ay hindi na tinapos ang haba ng pila nito.
Ayon sa kawani sarado na "raw", ang siste may dambuhalang wall-calock na nakasabit sa dinding kaya iyon ang itinuro ng kawa-awang OFW, ngunit agad na tumugon itong mabunying kawani at ang sabi;"late po ang relo na iyan".
Nakapagtataka kung totoong "late" ang relo ano ang dahilan, walang baterya?
Suriin nating mabuti, late ang relo kaya maaga silang nagsasara, eh paano naman sila kung pumasok bakit tila sa oras naman ng relo sa dinding nila nagba-base?
Ang nakalulungkot may dalawang bata na kasama ang ating ka-OFW dahil sila ang ikukuha ng mga documento, hindi na na-awa sa mga bata ang kawani nating ito na animo'y prinsesa kung magpasunod ng kalakaran o ika-nga sa Italiano ay "orario"!
Nananawagan tayo sa kaniyang kabunyian Ambassador Domingo Pradez Nolasco; paki-imbistiga naman po ng pangyayaring ito, nais naming malaman ang katotohanan at kung talagang nagmalabis nga ang inyong kawani ay gawaran nawa ninyo ng karampatang aksyon!
Uma-asa kami na ang pagbabago ay totoong nagaganap, upang hindi masabihan ng mga taga-tuligsa ng Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mga nangyayari na; "change scamming"!
At sa mga pasaway sa mga embahada; MAGBAGO NA KAYO!!!
Tuesday, May 30, 2017
Tuesday, May 23, 2017
Senior Citizens ID para sa mga Senior OFWs
Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Ni: Bro. Junn Landicho
Sa nakalipas na mga panahon ang mga Senior OFWs ay nagkaroon ng malaking bahagi sa ating lipunan, at sila ay naging tunay na ka-akibat sa pasanin ng ating bayan.
Matapos na mapakinabangan ang kanilang ambag ay nararapat na atin itong tugunan at bigyan sila ng sapat na pagkalinga. Sila higit kaninoman ang nangangailangan ng ating gabay at pagmamalasakit.
Kaya bilang katuwang na magtataguyod ng pamayanan ay nais nating isulong ang mga bagay na makapagbibigay sa kanila ng daan tungo sa tunay na pagtangkilik.
Gaya halimbawa ng Senior Citizens ID, mariin nating iminumungkahi ang tungkol dito. Alam natin na ang isang Senior OFW kapag umuwi ay kinakailangan pang dumulog sa kaniyang local na pamahalaan (municipio) upang kumuha ng ID na iyan.
Nakalulungkot na bago nila matamasa ang mga benepisyong inilaan ng pamahalaan sa para kanila ay mangangailan pa ng kaunting panahon upang makamtan.
Bakit hindi natin gawin na sa mga Embahada pa lamang ay makakuha na sila ng mga ID's ito? Isang malaking bagay sapagka't sa Airport pa lamang, sa unang araw ng kaniyang pagtuntong sa bansang Pilipinas ay mabibigyan na ka-agad siya ng pag-gabay (assistance).
Hindi naman mahirap gawin ang bagay na ito, kailangan lamang ang wastong ugnayan ng DILG at DFA para maisagawa ng proyekto.
Gawin sana agad na bigyang pansin ang panukalang ito, sa ganoon ay kagya't na maipagbi-biyaya sa ating mga elders ang mga nararapat na welfare at interes upang pangalagaan ang kanilang kalagayan.
Ang Senior OFWs ay minsan nating nakatuwang, ngayon ang tamang panahon upang sila'y ating alalahanin at agapayan!
Sapagka't tayo man ay darating sa kalagayang kanila ngayong kinaroroonan, at nakahanda ang Column na ito upang mag-ambag ng ilang mga idea para magkaroon ng matagumpay na pagsasakatuparan!
Tuesday, May 16, 2017
Pabahay Para Sa OFWs
Tinig ng
OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Iba't-iba ang dahilan kung
kaya nangingibang bansa ang ating mga OFWs, at dahil sa kontribusyon nila sa
ekonomiya ay tinagurian sila ng pamahalaan na mga bagong bayani.
Iba-iba rin ang kinasasapitan
nila kapag bumabalik na sa kani-kanilang bayan, mayroong sinu-swerte at
nakapagpu-pundar ng bahay ay mayroong nakapagne-negosyo pa.
Ngunit kapansin-pansin na karamihan sa kanila ay
bumabalik sa kawalan na ikanga ay "back to zero", na maaaring maging
kalibak-libak sa mga nagsipagtagumpay.
Hindi natin arok ang kahihinatnan ng bukas, alalaon baga ay hindi natin
natitiyak ang kapalaran ng bawaìt isa.
Subalit kung magda-damayan at magbibigayan ng tumpak na
pagmamalasakitan, malaking porsyento % kundiman lahat ay magkakaroon ng maas
mainam na kinabukasan.
Pangunahin na ay ang pagkakaroon ng sariling tahanan na ma-uuwian
sakaling bumalik ng bansa ang isang nandayuhan.
Isang nakakagalak na malasin na ang sambayanan ay mayroong tiyak kahit na
payak na matitirahan lalo na sa sektor ng mga OFWs na tinatawag pa naman nating
mga bagong bayani.
Kaya ang pitak na ito ay nananawagan at nagmumungkahi sa kina-uukulan na
bigyang pansin ang kalagayan ng mga OFWs sa usaping ito, ang pabahay.
Hinihikayat natin ang may karapatan sa "issue" na ito upang
makalikha ng isang programa na magbibigay ng pag-asa sa mga OFWs pinalad man o
hindi.
Maaari marahil na makapagsimula ang isang OFW na mabigyan ng isang unit
ng pabahay na huhulugan niya sa (hindi natin sinasabing mababa ngunit) kaukulang halaga.
Pero sana ay walang "down payment" sapagka't ang isa sa
pinakamalaking dahilan kung kaya hindi makakuha ng kahit hulugang bahay ang
isang karaniwang OFW ay sapagka't malaki ang "down" at karaniwan ng
hindi sapat ang kanilang kinikita.
Malaking tulong sa OFWS kung mapag-iisipan ito, dahil maiiwasan natin
ang ibang mapagsamantalang may pabahay na pribado, na karaniwan ng na-uuwi sa
wala angkanilang naging paunang hulog kapagka dumatin na ang kagipitan
Sana ay mapag-ukulan ng sapat na pag-aaral ng tungkol sa bagay na ito,
sana ay lubos na maramdaman ng mga OFWs na tinatrato naman talaga sila na mga
bagong bayani at hindi palamuti ng salita lamang ang pagtukoy na ito sa kanila.
Tuesday, May 9, 2017
Hospital Ward Para Sa OFWs
Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Hindi biro ang maging isang OFW, sa kabila ng pag-asam ng magandang
kapalaran ay mayroon pa ring hindi nagkakamit ng swerte sa pangingibang bayan.
Marami ang umuuwi na may sakit, ang iba ay dahil sa aksidente, bunga ng
katandaan at sanhi ng kakaibang karanasan sa banyagang klima.
Nakalulungkot na mula sa kahirapan ay
tila bumabalik sila sa mas malubhang kalagayan.
Ang dahilan ay sa sobrang mahal ng mga ospital at bukod sa roon ay ang
pagtatangi ng kanilang tatanggaping pasyente base sa kapasidad ng kalagayan
(financial status).
Ang isang OFW na wala ng kakayahan na makapagdeposito ay nahihirapan sa
usapaing pampagamutan.
Sa pagmamasid ko sa mga pangyayaring ganito, ay aking na-alala ang
panukala ng namayapang OFW Family PartyList Congressman na si Ambassador Roy V.
Señeres, ito ay ang OFW Ward.
Nakapaloob sa nasabing mungkahi na magkaroon ng partikular na ward sa
mga ospital ang mga pasyenteng OFW at lihitimong pamilya nito kung sakaling
magakroon ng karamdaman.
Sa ating pananaw kung ma-isakatuparan ang bagay na ito mas mararamdaman
na ng ating mga tinatawag na Bagong Bayani ang pagbibigay ng pagpapahalaga sa
kanilang ambag sa lipunan.
Ma-iibsan din ang pagdaramdam na tila sila ay nasa ka-apihan,
mapalalawak pa natin ang magandang ugnayan at maisusulong ang pagtingin para sa
kalusugan.
Sana nga bigyang pansin ng kina-uukulang ahensya ang panawagang ito,
nawa ay mapagpasyahan na maglagay ng mga OFW Ward sa mga pangunahin man lamang
na Ospital kundi man ka-agad maisagawa
sa pangkalahatan.
Tuesday, May 2, 2017
OFW Desk sa mga Municipio o S'yudad
Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Kamakailan ay masaya nating nai-ulat ang maluwalhating pag-uwi nina kabayang Veronica Papasin mula sa Jordan, Manilyn Dapudong ng Saudi Arabia, Floida Orillaneda sa Kuwait at marami pang iba na mula sa iba't-ibang panig ng Middle East.
Si Veronica ay biktima ng pagmamalabis ng kaniyang employer sa Jordan at sa kasawiang palad ay sinaktan pa ng kaniyang Agency sa halip na ipagtanggol.
Sa pamamagitan ni OFW Family Club Pres., Roy Seneres Jr. nabigyan siya ng katarungan at karampatang tulong mula sa POLO-Officer natin sa doon sa Jordan, at gayon din ang iba pa na nasa ibang bansa na inilapit natin sa mga pasuguan.
Ka-ugnay nito, halos araw-araw ay iba-ibang kasaysayan ng mga OFWs ang dumudulog sa atin, ang nakalulungkot kalimitan ay kinakailangan pa nating gabayan sa Maynila ang mga kamag-anak ng mga distress OFWs.
Ang karamihan sa mga ito ay galing pa sa mga malalayong probinsya, kaya mahirap para sa kanila ang magtungo sa mga kina-uukulang tanggapan lalo't walang tutuluyan sa lungsod.
Pinaka mabilis na paraan na lamang na nagagawa natin ay ang doon kapanayamin sa tanggapan ng OFW Family Party-List upang sa isang pag-luwas ay maisa-ayos ang kanilang kailangan upang ma-iwasto ang pakikipag-ugnay an sa mga ahensyang angkop sa kanilang hinaing.
Epektibo ang pamamaraan nating ito subalit sa dami ng mga nagkakaroon ng problema ang ating nag-iisang tanggapan ay lubhang nahihirapan para sa sabay-sabay na komuikasyon.
Sa ganitong kalagayan tayo ay nagmu-mungkahi na sana magkaroon mga OFW Desk sa bawa't municipio o kundi man ay kahit man lamang sa mga siyudad ng bawa't probinsya.
Sa ganoon magiging mabilis ang pakikipag-ugnay an at hindi na mangangailangan pa na ang mga kawa-awang kamag-anak ng mga OFWs ay lumuwas ng Maynila upang humingi ng tulong.
Malaki ang magagawa ng DILG sa usaping ito kung magkakatulungan sila ng POEA upang matupad na magkaroon ng isang tanggapan na exklusibo para sa pangangailangan ng OFWs, kaya hinihimok natin ang kina-uukulan na bigyang pansin ang bagay na ito.
Ang mungkahing ito ay ating isinisiwalat para sa kapakaanan ng mga OFWs at ng kanilang pamilya upang maibsan ang mga lubhang pag-aala ala nila sa isa't-isa.
Ang OFW ay tinatawag nating mga Bagong Bayani, kaya sana naman ay mabigyan natin ng pagpapahalaga ang nagagawa nilang kabayanihan sa pamamagitan ng paglalapit ng tulong kung kanila naman itong kina-kailangan.
Subscribe to:
Posts (Atom)