Tuesday, May 2, 2017

OFW Desk sa mga Municipio o S'yudad


Tinig ng OFW 
Ni: Bro. Junn Landicho 



Kamakailan ay masaya nating nai-ulat ang maluwalhating pag-uwi nina kabayang Veronica Papasin mula sa Jordan, Manilyn Dapudong ng Saudi Arabia, Floida Orillaneda sa Kuwait at marami pang iba na mula sa iba't-ibang panig ng Middle East. 

Si Veronica ay biktima ng pagmamalabis ng kaniyang employer sa Jordan at sa kasawiang palad ay sinaktan pa ng kaniyang Agency sa halip na ipagtanggol. 

Sa pamamagitan ni OFW Family Club Pres., Roy Seneres Jr. nabigyan siya ng katarungan at karampatang tulong mula sa POLO-Officer natin sa doon sa Jordan, at gayon din ang iba pa na nasa ibang bansa na inilapit natin sa mga pasuguan. 

Ka-ugnay nito, halos araw-araw ay iba-ibang kasaysayan ng mga OFWs ang dumudulog sa atin, ang nakalulungkot kalimitan ay kinakailangan pa nating gabayan sa Maynila ang mga kamag-anak ng mga distress OFWs. 

Ang karamihan sa mga ito ay galing pa sa mga malalayong probinsya, kaya mahirap para sa kanila ang magtungo sa mga kina-uukulang tanggapan lalo't walang tutuluyan sa lungsod. 

Pinaka mabilis na paraan na lamang na nagagawa natin ay ang doon kapanayamin sa tanggapan ng OFW Family Party-List upang sa isang pag-luwas ay maisa-ayos ang kanilang kailangan upang ma-iwasto ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang angkop sa kanilang hinaing. 

Epektibo ang pamamaraan nating ito subalit sa dami ng mga nagkakaroon ng problema ang ating nag-iisang tanggapan ay lubhang nahihirapan para sa sabay-sabay na komuikasyon. 

Sa ganitong kalagayan tayo ay nagmu-mungkahi na sana magkaroon mga OFW Desk sa bawa't municipio o kundi man ay kahit man lamang sa mga siyudad ng bawa't probinsya. 

Sa ganoon magiging mabilis ang pakikipag-ugnayan at hindi na mangangailangan pa na ang mga kawa-awang kamag-anak ng mga OFWs ay lumuwas ng Maynila upang humingi ng tulong. 

Malaki ang magagawa ng DILG sa usaping ito kung magkakatulungan sila ng POEA upang matupad na magkaroon ng isang tanggapan na exklusibo para sa pangangailangan ng OFWs, kaya hinihimok natin ang kina-uukulan na bigyang pansin ang bagay na ito. 

Ang mungkahing ito ay ating isinisiwalat para sa kapakaanan ng mga OFWs at ng kanilang pamilya upang maibsan ang mga lubhang pag-aala ala nila sa isa't-isa. 

Ang OFW ay tinatawag nating mga Bagong Bayani, kaya sana naman ay mabigyan natin ng pagpapahalaga ang nagagawa nilang kabayanihan sa pamamagitan ng paglalapit ng tulong kung kanila naman itong kina-kailangan.

No comments: