Tuesday, September 5, 2017

Maramihang pagpapadala ng kasambahay sa M.E. dapat ba?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Kamakailan lang ay naglabas ng resolusyon ang POEA,  na  pinapayagan nilang mag-deploy ng mas marami pang bilang ng Kasambahay para sa Gitnang Silangan.

Kung noon ang isang Foreign Agency ay maaari lamang makipag-partner sa dalawang  Local Recruitment Agencies,  ngayon ay aabot na sa lima ang maaari nilang  ka-partner.

Ito ang magiging daan upang ang maximum limit na pwedeng i-hire ng isang Foreign Agency ay tumaas ng  mula sa dating dalawang daan (200) na magiging limang daan (500) na.

Lubhang nakababahala ang desisyon na ito sapagka't sa kabila ng napakarami na  at sunod-sunod na ulat tungkol sa mga ina-abusong OFWs lalo na sa gitnang silangan,  ay  tila hindi nag-iisip ng solusyon ang ipinagpi-pitagan nating POEA, sa halip ay baka madagdagan pa ang masasadlak sa problema dahil sa kanilang ginawa.

Hindi naman natin lubusang kinu-kondena ang ahensyang ito (POEA),  dahil sa laki ng bilang ng mga ipinadadalang manggagawa sa ibayong dagat  ay naniniwalang tayong mahihirapan talaga sila na i-monitor ang kanilang kalagayan.

Subalit nasaan ang mga OFW-Representative  sa POEA at/o OWWA, sila ba'y nananatiling tila mga palamuti lamang?

Bakit tila wala silang ginagawang aksyon sa mga bagay na ito?

Una na tayong nanawagan na kasuwato ng iba pang mga grupo  ng "deployment  ban"  kahit pansamantala lamang,  upang  mas mapagplanuhan ang usapin ng mga mangagagawa partikular ng mga kasambahay sa Middle East, subalit tila bingi sila at na tila mina-maliit ang ating mga suhestiyon.

Ang mga Representative naman ng OFWs ay tila walang malasakit na naka-upo  sa board at sa wari'y naghihintay lamang ng kanilang honorarium.

Nakalulungkot na kung sino pa ang mismong representante ay sila pa ang hindi ma-asahan.

Sana ay magkaroon ng mga representante na may kakayahan at malasakit para sa mga ka-OFWs upang maging sandigan ng mga tinatawag na mga bagong bayani.

Maglagay sana ng mga kinatawan na totoong uma-aksyon para sa kapakanan ng OFWS at hindi dahil sa ganda ng mga palamuti sa mga nominasyon.


Dignidad ng mga Pilipino ang nakasalalay sa pangingibang bansa, kaya ang nararapat na hiranging kinatawan ay ang totoong may malasakit sa dignidad (ng OFWs) at  may kakayahang pangalagaan  ang kanilang  sitwasyon.

No comments: