Tuesday, September 12, 2017

OFW Hospital Ward, Magkakaroon na ng katuparan

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Sa mahigit apat na taon  nating pagsusulong upang pagkakaroon ng espisikong mga hospital wards para sa OFWs ay nababanaag na natin ang pagkakaroon ng katuparan nito.

Nauna na itong ipinanukala  ni yumaong Amba. Roy Seneres Sr. noon pang 2013, at na ipinagpatuloy ng ating mga kasamahan sa OFW Family PartyList sa pamumuno ni Roy Seneres Jr.  at ng grupong Ako-OFW ni Dok Che Umandap.

Kamakailan lamang ay nagtungo sa Davao si Umandap at mga kasama upang mabigyan na ng realisasyon ang panukalang ito at hindi naman nabigo ang kanilang delegasyon.

Ang bagay  na ito ay malaking tulong sa ating mga ka-OFW at sa kanilang  pamilya kahit na mga regional pa lamang ang gagawing tila experimento.

Subalit nakarating sa ating kabatiran na may ilang mga pulitiko o mga wari'y pulpolitiko na nagpapalabas ng mga publikasyon na sa wari'y pag-aangkin ng merito sa paglulunsad ng OFW Wards na ito.

Kaya ang ating column bilang Tinig ng OFWs kasabay ng pagbubunyi sa pangyayaring ito, ay nananawagan na sana ay huwag bahiran ng pulitikal na intensyon ng ilang mga pulitikong sumasakay lamang sa kagandahan ng mga kaganapan gaya nito.

Nakalulungkot subalit sa halip na makatulong sa mga OFWs at pamilya ang ganitong mga hakbang ay nakapagdudulot pa ito ng lubhang pagka-dismaya.


Sa panig naman ng OFW-Family PartyList at AKO-OFW, anila; hindi na mahalaga ang mga publisidad, ang importante sa ngayon ay ang agarang implementasyon nito upang sa ganoon ay kagya't na mapagsilbihan ang ating mga bagong bayani.


Saludo ako sa mga taong nagmamalasakit sa ating mga ka-OFW, sana ay patuloy pang dumami ang mga ka-akibat ninyo sa inyong hanay. MABUHAY KAYO!!!

No comments: