Tuesday, September 19, 2017

Pagbabago unti-unting nadarama ng OFWs

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho 


Noong "September 7, 2017" ay nagdaos ng isang  forum sa pagitan ng mga lider na Pilipino sa Roma at ng embahada, naging panauhin si DFA Under Secretary Sarah Arriola, tinalakay doon ang issue tungkol sa ATN o Assistance to National.

Maraming mga katanungan ang nasagot naman ng malumanay ni USec. Arriola at nakagagalak ang kaniyang mga binitawang pahayag.

Magugunitang noong mga nakaraang panahon, ay maraming reklamo  sa tanggapang ito (ATN) lalo na sa mga usapin ng pagpapauwi ng mga labi(bangkay) ng mga sinawing palad sa pandarayunhan.

Ngunit  sa pamamagitan ni USec, ay nabatid natin sa kaniya ang kaibahan ng sitwasyon sa ngayon, aniya pa kabilin-bilinan ng Pangulong Duterte na huwag pabayaan o iwan sa ere ang mga OFWs dahil ang mga ito umano ay malapit sa kaniyang puso.

Ayon pa kay Ms. Arriola, ang lahat ng mga usapin at pangangailangan ng mga OFWs ay ka-agad na tutugunan ng ahensya basta magbigay lamang ng kaukulang pormal na reklamo(kung mayroon man) o pormal na pahingi ng ayuda o tulong ng mga mangangailangan OFW maging ng pamilya nito.

Ang mga ganitong pahayag ay nagpapakita na nababanaag na natin ang talagang pagbabago.

Sana nga mag tuloy-tuloy na ito at sana'y higit na maramdaman natin sa aktwal na pagkakataon at hindi sa mga ganitong pahayag lamang.

Ganun pa man, sa ating pananaw ay ma-aasahan natin ang katapatan ng ni USec. Arriola at nakikita natin ang senseridad ng kaniyang mga tinuran.

Sa panig naman ng mga OFWs,  maka-aasa naman ang ating pamahalaan sa pakikipagtulungan, basta maging tapat lamang ang mga nakatalaga sa kani-kanilang tungkulin.


Pagkaka-isa ang daan ng tunay na pag-asa kaya ito ang nararapat nating isulong at bigyan ng pagpapahalaga upang makamit natin ang matagal ng mini-mithing pagbabago, na unti-unting nadarama na ng mga OFWs.

Tuesday, September 12, 2017

OFW Hospital Ward, Magkakaroon na ng katuparan

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Sa mahigit apat na taon  nating pagsusulong upang pagkakaroon ng espisikong mga hospital wards para sa OFWs ay nababanaag na natin ang pagkakaroon ng katuparan nito.

Nauna na itong ipinanukala  ni yumaong Amba. Roy Seneres Sr. noon pang 2013, at na ipinagpatuloy ng ating mga kasamahan sa OFW Family PartyList sa pamumuno ni Roy Seneres Jr.  at ng grupong Ako-OFW ni Dok Che Umandap.

Kamakailan lamang ay nagtungo sa Davao si Umandap at mga kasama upang mabigyan na ng realisasyon ang panukalang ito at hindi naman nabigo ang kanilang delegasyon.

Ang bagay  na ito ay malaking tulong sa ating mga ka-OFW at sa kanilang  pamilya kahit na mga regional pa lamang ang gagawing tila experimento.

Subalit nakarating sa ating kabatiran na may ilang mga pulitiko o mga wari'y pulpolitiko na nagpapalabas ng mga publikasyon na sa wari'y pag-aangkin ng merito sa paglulunsad ng OFW Wards na ito.

Kaya ang ating column bilang Tinig ng OFWs kasabay ng pagbubunyi sa pangyayaring ito, ay nananawagan na sana ay huwag bahiran ng pulitikal na intensyon ng ilang mga pulitikong sumasakay lamang sa kagandahan ng mga kaganapan gaya nito.

Nakalulungkot subalit sa halip na makatulong sa mga OFWs at pamilya ang ganitong mga hakbang ay nakapagdudulot pa ito ng lubhang pagka-dismaya.


Sa panig naman ng OFW-Family PartyList at AKO-OFW, anila; hindi na mahalaga ang mga publisidad, ang importante sa ngayon ay ang agarang implementasyon nito upang sa ganoon ay kagya't na mapagsilbihan ang ating mga bagong bayani.


Saludo ako sa mga taong nagmamalasakit sa ating mga ka-OFW, sana ay patuloy pang dumami ang mga ka-akibat ninyo sa inyong hanay. MABUHAY KAYO!!!

Tuesday, September 5, 2017

Maramihang pagpapadala ng kasambahay sa M.E. dapat ba?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Kamakailan lang ay naglabas ng resolusyon ang POEA,  na  pinapayagan nilang mag-deploy ng mas marami pang bilang ng Kasambahay para sa Gitnang Silangan.

Kung noon ang isang Foreign Agency ay maaari lamang makipag-partner sa dalawang  Local Recruitment Agencies,  ngayon ay aabot na sa lima ang maaari nilang  ka-partner.

Ito ang magiging daan upang ang maximum limit na pwedeng i-hire ng isang Foreign Agency ay tumaas ng  mula sa dating dalawang daan (200) na magiging limang daan (500) na.

Lubhang nakababahala ang desisyon na ito sapagka't sa kabila ng napakarami na  at sunod-sunod na ulat tungkol sa mga ina-abusong OFWs lalo na sa gitnang silangan,  ay  tila hindi nag-iisip ng solusyon ang ipinagpi-pitagan nating POEA, sa halip ay baka madagdagan pa ang masasadlak sa problema dahil sa kanilang ginawa.

Hindi naman natin lubusang kinu-kondena ang ahensyang ito (POEA),  dahil sa laki ng bilang ng mga ipinadadalang manggagawa sa ibayong dagat  ay naniniwalang tayong mahihirapan talaga sila na i-monitor ang kanilang kalagayan.

Subalit nasaan ang mga OFW-Representative  sa POEA at/o OWWA, sila ba'y nananatiling tila mga palamuti lamang?

Bakit tila wala silang ginagawang aksyon sa mga bagay na ito?

Una na tayong nanawagan na kasuwato ng iba pang mga grupo  ng "deployment  ban"  kahit pansamantala lamang,  upang  mas mapagplanuhan ang usapin ng mga mangagagawa partikular ng mga kasambahay sa Middle East, subalit tila bingi sila at na tila mina-maliit ang ating mga suhestiyon.

Ang mga Representative naman ng OFWs ay tila walang malasakit na naka-upo  sa board at sa wari'y naghihintay lamang ng kanilang honorarium.

Nakalulungkot na kung sino pa ang mismong representante ay sila pa ang hindi ma-asahan.

Sana ay magkaroon ng mga representante na may kakayahan at malasakit para sa mga ka-OFWs upang maging sandigan ng mga tinatawag na mga bagong bayani.

Maglagay sana ng mga kinatawan na totoong uma-aksyon para sa kapakanan ng OFWS at hindi dahil sa ganda ng mga palamuti sa mga nominasyon.


Dignidad ng mga Pilipino ang nakasalalay sa pangingibang bansa, kaya ang nararapat na hiranging kinatawan ay ang totoong may malasakit sa dignidad (ng OFWs) at  may kakayahang pangalagaan  ang kanilang  sitwasyon.