Tuesday, April 25, 2017

OFWs Dapat Konsultahin ng mga Pasuguan


Tinig ng OFW

Ni: Bro. Junn Landicho





Bagaman at desidido ang administrasyong Duterte na linisin ang pamahalaan ay mayroon pa ring mga ahensya na nakakalusot sa mga katiwalian. 



Bilang OFW ay mapapansin natin mayroon pa ring mga kawani sa mga embahada ang gumagawa ng mga bagay na nakapagdudulot ng sakit sa kalooban sa mga tinatawag na mga Bagong Bayani. 



Hindi natin nilalahat subalit mayroon pa rin sa ating mga pasuguan ang arogante at mapangmaliit ang tingin sa mga pagod na OFWs sa tuwing dudulog sa kanilang mga tanggapan. 



Ang nakikita nating isa sa mga dahilan ay ang kakulangan ng "monitoring", sapagka't kung mayroon sanang naka-aalam ng mga nangyayari ay malaya tayong makapagsusumite ng mga reklamo upang mapigilan ang mga ganitong nangyayari. 



Kaya sa ating pananaw ay nararapat na magkaroon ng programa ukol sa mga bagay na ito. 



Isa sa mga posibleng paraan ay ang pagbuo ng mga lupon na magsisilbing kasangguni ng embahada. 



Ito ay maaaring kinabibilangan ng mga lider na OFW at/o maging indibidwal man na may kakayahan at malasakit sa kanilang kalagayan. 



Kung magkakaroon nito magiging mabilis ang mga transaksyon, maiiwasan ang ilang mga pagmamalabis at pagsasamantala higit sa lahat ay magkakaroon ng sandigan ang mga karaniwang OFWs na mahihina sa karanasan at kulang sa kaukulang mga impormasyon. 



Hindi natin ninanais na makipagkumpetensya sa mga namumuno sa embahada, subalit ang panukalang ito ay ina-asahan nating magdudulot ng mas magandang ugnayan sa pagitan ng dalawang panig, sapagka't magkakaroon ng mabilis na komunikasyon at makalilikha ng mga aktibidades na magbibigay ng matibay na relasyon ng mga Pilipino sa ibayong dagat. 



Subalit kung sakali man na mangyari ito, nararapat na ang mga itatalaga ay pinili ng mga OFWs mismo at hindi ng mga tauhan ng embahada upang maiwasan ang kurapsyon sa pamamalakad. 



Nararapat din na piliin ay ang mga may kasanayan at ang mga tunay na nagmamalasakit sa kapuwa OFW upang sa ganoon ang ina-asam na pagbabago ay magtagumpay, isang uri ng pagbabago tungo sa pagsulong at tagumpay ng mga OFWs sa kanilang pandarayuhan. 



Sana ay makarating sa kina-uukulan ang ating panukalang ito at mabigyan nila ng kaukulang aksyon upang ma-alis na sa damdamin ng karamihang OFWs ang pag-aakalang sila ay nasa gitna ng ka-apihan at pinababayaan ng pamahalan.

Saturday, April 22, 2017

OPINION: OFWs and Recruitment Agencies Issue


®From My InBox✍



Polo-Officer: Ano stand mo sa mga agencies?
....0r ano mga issues mo sa agencies?
30 minutes ago • Sent from Messenger



Bro.Junn: dapat alisin, pwede naman direct hire, di ba sample na nga yung sa Italia, wala naman agency pero mas mabilis at menos gastos, menos kapahamakan, nabasa mo ba article ko sa Balaraw Journal?
29 minutes ago



Polo-Officer: Oo nga binabasa ko. (kaya nga natanong ko sayo)
Ok yung sabi mo applicable talaga sa Italia. Pero ang sa akin, sana hindi parepareho ang implementation.



Yung local agency at foreign agency has a joint and solidary liability with the foreign employer. 



Example, kung yung worker sa middle east ay minaltrato, hindi pinapakain at kulang pasahod or hindi pinapasweldo ay may liability din ang mga ahensya na nagdeploy sa kanila.



Kung yung worker ay umuwi na hindi pinasahod, ang ating labor code ay wala nang authority to make habol sa employer.



Kaya ang ginagawa namin ay ung agency na nandito ang hahabulin namin para masingil kung ano man hindi nya nakuha pero dapat lng na tanggapin.
13 minutes ago • Sent from Messenger



Bro.Junn: Tama ka, pero pwede naman na magkaroon ng agreement ang labor natin at labor ng kung anong bansa sa middle east, before deployment.



Marami na tayong karanasan na ang agency ay kampi sa employer, now kung may agreement ang labor natin at ng saudi(halimbawa), pwedeng ang ofw sa labor natin mag-reklamo at ang labor natin ang makipag-communicate sa labor ng saudi, mas madali ang proseso kasi ang labor mismo ng saudi base sa kasunduan(kung mayroon) ang hahabol sa employer!



kung wala man na authority ang ating labor code, magkakaroon naman ng authority base sa agreement(na mabubuo).
8 minutes ago • Seen 9:51am


Polo-Officer: Oo tama ka rin.

Pero kung mangyari yan ay nakapaloob na sa bilateral at dapat may pangil ang implementasyon.
Kaya lng... :'( :'( :'(
...sa tingin ko mahirap sa ngayon dahil mawawalan ng negosyo ang mga opisyal na magaaprub sa panukalang ito.
Karamihan kc sa mga may-ari ng agensya.... pls dnt quote me ha.
2 minutes ago • Sent from Messenger



Bro.Junn: Pwede iyan enter-agency / labor to labor agreement at yung pangil base na rin sa agreement iyan. 



Isa pang example sa Italy ulit, yung pension ng mga senior OFWs, pwede naman ipa-uwi sa atin na hindi mangangailangan (muna habang wala pa at pino-proseso) ng bilateral treaty ng Italia-Pilipinas, Apat na agency lang ang kailangan, dalawa sa panig ng Pilipinas, dalawa sa Italia, kaso nga lang yung mga lider pinoy natin doon puro picture taking hindi ina-asikaso ang mas kailangan. Si Bro Junn kaya i-coordinate iyan kung bibigyan ng awtoridad ng gobyerno natin! 



Alam ko iyan marami sa mga partylist congressman lalo yung kunwari nga pro-OFW mga may malalaking travel agency. Pero kung ako labor secretary implementa ko iyan, "tila" hindi naman ino-obliga ng konstitusyon na magkaroon ng agency ehh. 



...ok pardz gaya ng dati para lang sa kaliwanagan ang publishing ko!

Tuesday, April 18, 2017

Panawagan ng OFWs Impeach Leni Rob'redo

Tinig ng OFW 
Ni: Bro. Junn Landicho 




Mahigit isang buwan na ang nakararaan ng mapabalitang lumabas ang video ni Leni Robredo sa Viena Austria. Ito ay naglalaman ng di-umano'y paninira sa ating gobyerno kaya magpa-hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring trauma ang mga OFWs partikular sa Italia. 

Kamakailan nagsagawa ng rally ang mga OFWs sa Roma sa pangunguna ng mga lider ng mga asosasyon gaya ng; PDP-Laban Europe, Kilusang Pagbabago, OFWGME at maraming pang mga Fil-Com. 

Dahil may lumabas na lantarang pagbatikos sa isang programa sa isang malaking TV-Station sa Italia ang Le Iene, na nagdulot ng pagkagulat sa mga OFWs na naroon bunga ng hindi makatarungang pagtuligsa sa ating pamahalaan. 

Tinalakay dito at tahasang inalimura ang ating pamahalaan dahil sa umano'y laganap na patayan sa Pilipinas kahit na hindi balanse ang kanilang source at mahahalata mong "tila" mga bayaran ang kanilang in-interview. 

Ayon sa ating nakapanayan na sina Ginoong EJ Carmona ng KP-Rome, at Ms. Jospehine Duque Chairperson ng TaskForce - OFW; "nakagigimbal ang kanilang napanood na iyon sa telebisyon na agad sinundan pa ng mga pahayag ng bise presidente, nakapanlulumo na kung sino pa ang ina-asahan nating tutulong sa ating pamahalaan upang itaas ang dignidad nito ay siya pang magbabagsak, anila pa: anong motibo niya (LeniRobredo) agawin ang liderato?" 

Kaya iginiit nila ang panawagan na ipa-impeach si VP Leni Rob'redo dahil umano sa pagbaba ng dignidad ng mga Pilipino bunga ng kaniyang video hingil sa umano'y EJK. 

Magugunitang isiniwalat ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III ang inabot na pangangantyaw ng ibang lahi sa ating mga OFWs na naglagay sa malaking kahihiyan dahil sa nasabing video na nagdulot ng pagka-dismaya ng karamihang Netizen. 

Kung kaya kumalat ang mga hashtag na #ImpeachLeni at #NagaLeaks

Kaugnay nito, dismayado rin ang mga employer dahil ang mga manggagawang Pilipino lalo't higit sa Italia ay lubhang kanilang pinagkakatiwalaan. 

Lubos na naniniwala rin ang karamihang OFWs na isang uri ng kataksilan sa bayan ang ginawang ito ng kinikilala ngayong bise at isang paraan ng distabilisasyon

Bagama't ang Column na ito ay hindi nananawagan ng impeachement, ay humihimok naman sa kina-uukulan na pag-aralan ang nasabing pangyayari upang sa ganoon ay mapangalagaan ang kalagayan ng ating mga bagong bayani na nakikihamok sa hamon ng buhay sa ibayong dagat. 

Sana ay pag-ukulan ito ng pansin upang hindi na muling maging katawa-tawa tayong mga Pilipino lalong-lalo na ang mga Overseas Flipino Workers na nasa ibang bansa! 

HOY mga pulitiko, gumising na kayo!!!

Tuesday, April 11, 2017

DOLE Mali ang Pananaw sa Kalagayan ng OFWs sa Recruitment Agencies

Tinig ng OFW 
Ni: Bro. Junn Landicho 





Noong nakaraang labas ay magugunitang tinalakay natin ang tungkol sa maraming pagsa-samantala ng mga agency sa mga OFWs at binigyang diin doon ang maraming bagay na hindi nararapat sanang mangyari kung direktang sa employer na ang komunikasyon sa pamamagitan ng mga pasuguan ng magkabilang panig. 

Subalit tila taliwas ang pananaw ng DOLE sa bagay na ito. 


Ayon sa kanila mas mapo-protektahan di-umano ang mga ipinadadala nating mga manggagawa kung idadaan sila sa mga agency. 


Ito ay kabaligtaran sa mga tunay na ating nasasaksihan, dahil ang karamihan ng mga pagmaltrato ay kasuwato ng mga agency. 


Sa katotohanan ay mas lumalaki ang gastusin ng isang nais na maging mangagawa sa ibang bansa kapag dumadaan ito sa pamamagitan ng mga ahensya na iyan. 


Hindi ko ma-arok kung bakit tila hindi ma-unawa ng Departamento ang kahalagahan ng direct hire, at bakit tila hindi nila nakikita ang mga kasong karaniwang kinakaharap ng mga OFWs na mga agency ang pangunahing dahilan. 


Sa puntong ito patuloy tayong nananawagan na sana ay pag-aralang mabuti ang kasalukuyang sitwasyon. 


Nararapat na magkaroon ng isang pagsangguni sa sector ng mismong mga OFWs upang maipakita ang mas karapatdapat na aksyon at mas kapakipakinabang na mga paraan sa pagpapadala nating ng mga manggagawa sa ibayong dagat. 


Naniniwala tayo at umaasa na pauunlakan ng ating butihing DOLE, Sec. Silvestre Bello ang munting panawagang ito upang mas mapaigting pa ang mga paraan para kaligtasan ng mga tinatawag na mga Bagong Bayani, paglaban sa mga illegal recruiters at pagsugpo sa mga mapagsamantalang agency!

Tuesday, April 4, 2017

Recruitment Agency Hindi na Kailangan sa Pagpapadala ng OFWs sa Ibang Bansa

Tinig ng OFW 
 Ni: Bro. Junn Landicho


Hanggang sa ngayon na tayo ay nasa administrayong Duterte na ay masasalamin pa rin ang mga hindi magagandang pangyayari at kinahihinatnan ng mga OFWs. Pansinin na sa mga bansa sa middle east partikular sa Kuwait ay marami pa rin ang mga nagiging problema. 

Ang mga suliraning ito at mga kapahamakan ng ating mga Household Workers (HWs) ay tila hindi lubusang nasu-solusyunan. 

Ang dahilan ay ang mga pamamagitan ng mga agency na kung wawariin ay nagiging kasapakat ng mga abusadong employer. 

Hindi tayo nagbibintang subalit kung pagtatagni-tagniin ang mga pangyayari sa mga lumalabas sa balita partikular ang social media, mapapansin na karaniwang tila kinakampihan ng mga agency ang employer kahit na ang totoo ay tahasang nama-maltrato ang ating kawawang kababayan. 

Lumalabas din base sa ating mga pagsisiyasat na ginagamit pagkaperahan ang mga ito, kung kaya ang ating panukala ay alisin na ang pamamagitan ng mga travel agencies sa pagpapadala ng mga HWs sa ibayong dagat. 

Hindi na kailangan ang mga ito sapagkat kung susuriin ay sapat na ang mga pasuguan ang siyang mismong mamahala sa bagay na ito, bakit pa sila kakailanganin samantalang may mga embahada na dito sa Pilipinas ang mga bansang mangangailangan ng mga kasamabahay? 

Sa ating pananaw at mismong karanasan, dapat ng ipatupad ng ating gobyerno lalo ng POEA na sa pagpapadala ng mga HWs sa ibang bansa ay hindi gagamit ng mga agency, sapagkat gaya ng nabanggit na natin ito ay hindi naman talagang kailangan sapagkat maaari namang ang mismong mangagawa ang siyang makipag-ugnayan sa mga embahada kung sila ay nais magtrabaho sa ibang bansa. 

Sa ganoon maiiwasan pa nila ang mabibiktima ng mga illegal recruiter sapagka't direktang na sa mga pasuguan gagawin ang mga transaksyon. 

Mabigyang pansin sana ng ating pamahalaan ang katotohanang sapat na ang ating mga pasuguan upang siyang mamagitan upang sa ganoon ay sa ating pamahalaan na rin direktang mapunta ang mga kaukulang gugol ng mga aplikante bukod pa sa mababawasan ng maaaring mahigit sa 50% ang kanilang gastusin upang tahakin ang mundo ng pagiging lehitimong OFW.