Tuesday, April 4, 2017

Recruitment Agency Hindi na Kailangan sa Pagpapadala ng OFWs sa Ibang Bansa

Tinig ng OFW 
 Ni: Bro. Junn Landicho


Hanggang sa ngayon na tayo ay nasa administrayong Duterte na ay masasalamin pa rin ang mga hindi magagandang pangyayari at kinahihinatnan ng mga OFWs. Pansinin na sa mga bansa sa middle east partikular sa Kuwait ay marami pa rin ang mga nagiging problema. 

Ang mga suliraning ito at mga kapahamakan ng ating mga Household Workers (HWs) ay tila hindi lubusang nasu-solusyunan. 

Ang dahilan ay ang mga pamamagitan ng mga agency na kung wawariin ay nagiging kasapakat ng mga abusadong employer. 

Hindi tayo nagbibintang subalit kung pagtatagni-tagniin ang mga pangyayari sa mga lumalabas sa balita partikular ang social media, mapapansin na karaniwang tila kinakampihan ng mga agency ang employer kahit na ang totoo ay tahasang nama-maltrato ang ating kawawang kababayan. 

Lumalabas din base sa ating mga pagsisiyasat na ginagamit pagkaperahan ang mga ito, kung kaya ang ating panukala ay alisin na ang pamamagitan ng mga travel agencies sa pagpapadala ng mga HWs sa ibayong dagat. 

Hindi na kailangan ang mga ito sapagkat kung susuriin ay sapat na ang mga pasuguan ang siyang mismong mamahala sa bagay na ito, bakit pa sila kakailanganin samantalang may mga embahada na dito sa Pilipinas ang mga bansang mangangailangan ng mga kasamabahay? 

Sa ating pananaw at mismong karanasan, dapat ng ipatupad ng ating gobyerno lalo ng POEA na sa pagpapadala ng mga HWs sa ibang bansa ay hindi gagamit ng mga agency, sapagkat gaya ng nabanggit na natin ito ay hindi naman talagang kailangan sapagkat maaari namang ang mismong mangagawa ang siyang makipag-ugnayan sa mga embahada kung sila ay nais magtrabaho sa ibang bansa. 

Sa ganoon maiiwasan pa nila ang mabibiktima ng mga illegal recruiter sapagka't direktang na sa mga pasuguan gagawin ang mga transaksyon. 

Mabigyang pansin sana ng ating pamahalaan ang katotohanang sapat na ang ating mga pasuguan upang siyang mamagitan upang sa ganoon ay sa ating pamahalaan na rin direktang mapunta ang mga kaukulang gugol ng mga aplikante bukod pa sa mababawasan ng maaaring mahigit sa 50% ang kanilang gastusin upang tahakin ang mundo ng pagiging lehitimong OFW.

No comments: