Tuesday, April 11, 2017

DOLE Mali ang Pananaw sa Kalagayan ng OFWs sa Recruitment Agencies

Tinig ng OFW 
Ni: Bro. Junn Landicho 





Noong nakaraang labas ay magugunitang tinalakay natin ang tungkol sa maraming pagsa-samantala ng mga agency sa mga OFWs at binigyang diin doon ang maraming bagay na hindi nararapat sanang mangyari kung direktang sa employer na ang komunikasyon sa pamamagitan ng mga pasuguan ng magkabilang panig. 

Subalit tila taliwas ang pananaw ng DOLE sa bagay na ito. 


Ayon sa kanila mas mapo-protektahan di-umano ang mga ipinadadala nating mga manggagawa kung idadaan sila sa mga agency. 


Ito ay kabaligtaran sa mga tunay na ating nasasaksihan, dahil ang karamihan ng mga pagmaltrato ay kasuwato ng mga agency. 


Sa katotohanan ay mas lumalaki ang gastusin ng isang nais na maging mangagawa sa ibang bansa kapag dumadaan ito sa pamamagitan ng mga ahensya na iyan. 


Hindi ko ma-arok kung bakit tila hindi ma-unawa ng Departamento ang kahalagahan ng direct hire, at bakit tila hindi nila nakikita ang mga kasong karaniwang kinakaharap ng mga OFWs na mga agency ang pangunahing dahilan. 


Sa puntong ito patuloy tayong nananawagan na sana ay pag-aralang mabuti ang kasalukuyang sitwasyon. 


Nararapat na magkaroon ng isang pagsangguni sa sector ng mismong mga OFWs upang maipakita ang mas karapatdapat na aksyon at mas kapakipakinabang na mga paraan sa pagpapadala nating ng mga manggagawa sa ibayong dagat. 


Naniniwala tayo at umaasa na pauunlakan ng ating butihing DOLE, Sec. Silvestre Bello ang munting panawagang ito upang mas mapaigting pa ang mga paraan para kaligtasan ng mga tinatawag na mga Bagong Bayani, paglaban sa mga illegal recruiters at pagsugpo sa mga mapagsamantalang agency!

No comments: