Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho
Bagaman at desidido ang administrasyong Duterte na linisin ang pamahalaan ay mayroon pa ring mga ahensya na nakakalusot sa mga katiwalian.
Bilang OFW ay mapapansin natin mayroon pa ring mga kawani sa mga embahada ang gumagawa ng mga bagay na nakapagdudulot ng sakit sa kalooban sa mga tinatawag na mga Bagong Bayani.
Hindi natin nilalahat subalit mayroon pa rin sa ating mga pasuguan ang arogante at mapangmaliit ang tingin sa mga pagod na OFWs sa tuwing dudulog sa kanilang mga tanggapan.
Ang nakikita nating isa sa mga dahilan ay ang kakulangan ng "monitoring", sapagka't kung mayroon sanang naka-aalam ng mga nangyayari ay malaya tayong makapagsusumite ng mga reklamo upang mapigilan ang mga ganitong nangyayari.
Kaya sa ating pananaw ay nararapat na magkaroon ng programa ukol sa mga bagay na ito.
Isa sa mga posibleng paraan ay ang pagbuo ng mga lupon na magsisilbing kasangguni ng embahada.
Ito ay maaaring kinabibilangan ng mga lider na OFW at/o maging indibidwal man na may kakayahan at malasakit sa kanilang kalagayan.
Kung magkakaroon nito magiging mabilis ang mga transaksyon, maiiwasan ang ilang mga pagmamalabis at pagsasamantala higit sa lahat ay magkakaroon ng sandigan ang mga karaniwang OFWs na mahihina sa karanasan at kulang sa kaukulang mga impormasyon.
Hindi natin ninanais na makipagkumpeten sya sa mga namumuno sa embahada, subalit ang panukalang ito ay ina-asahan nating magdudulot ng mas magandang ugnayan sa pagitan ng dalawang panig, sapagka't magkakaroon ng mabilis na komunikasyon at makalilikha ng mga aktibidades na magbibigay ng matibay na relasyon ng mga Pilipino sa ibayong dagat.
Subalit kung sakali man na mangyari ito, nararapat na ang mga itatalaga ay pinili ng mga OFWs mismo at hindi ng mga tauhan ng embahada upang maiwasan ang kurapsyon sa pamamalakad.
Nararapat din na piliin ay ang mga may kasanayan at ang mga tunay na nagmamalasakit sa kapuwa OFW upang sa ganoon ang ina-asam na pagbabago ay magtagumpay, isang uri ng pagbabago tungo sa pagsulong at tagumpay ng mga OFWs sa kanilang pandarayuhan.
Sana ay makarating sa kina-uukulan ang ating panukalang ito at mabigyan nila ng kaukulang aksyon upang ma-alis na sa damdamin ng karamihang OFWs ang pag-aakalang sila ay nasa gitna ng ka-apihan at pinababayaan ng pamahalan.
No comments:
Post a Comment