Tuesday, June 27, 2017

OFW Representative mayroon bang silbi?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho

  
Ang POEA at OWWA ay mga ahensyang nakatuon ang pamamatnugot sa mga OFWs, at sa Konseho mismo nito ay mayroong mga piniling kinatawan ang mga OFWs.

Karaniwan na ang inilalagay sa tungkulin ay mga lider sa mga bansang dati nilang kinaroonan bilang mga manggagawang Pilipino.

Maganda ang layunin ng pagkakaroon nito at tila kapaki-pakinabang dahil makikitang mayroong tinig ang mga tinagurian ng gobyerno na mga Bagong Bayani.

Subalit gaano katotoo na sila ay nagiging sandigan?

Mapapansin na sa "social media" o kahit sa mismong "main stream" ay sala-salabat ang balita ng mga pagmaltrato sa mga kawa-awang mga "household workers" natin sa ibayong dagat.

At sa mga kaganapang ganito ay tila wala man lamang nagagawa ang mga kinatawan na ito.

Isang katotohanan na hindi sila kinaki-kitaan ng paglahok sa mga suliranin, ni hindi nga alam ng karamihang mga OFWs kung sinu-sino sila.

Kaya isang balintuna na isiping may nasasandigan ang mga OFWs  na kapuwa OFW  sa mga sector ng pamahalaan na nabanggit.

Nakalulungkot na "tila" sila ay kakampi pa ng mga mapanlinlang na "recruitment agencies" sa halip na maging tagapagtanggol ng kanilang kapuwa manggagawa.

Kung gayon ano ang silbi nila, bakit pa sila naroroon sa mga tungkuling hindi naman pinaki-kinabangan ng mga mismong nangangailangan?

Kung susuriing mainam, walang silbi ang mga taong ito, sa halip ay mga pampasakit lamang ng kalooban para sa mga OFWs na dumaranas ng mga ka-apihan, sapagka't ang kanilang pag-asa ay napapalitan lamang ng tuwirang pagkabigo.

Sana ay magising ang mga kina-uukulan, na kundi man alisin na ang mga representanteng ganito, ay palitan naman nila ng mga karapat-dapat.

Ihalal nila ang  mga OFWs na may likas na malasakit sa kanilang kapuwa OFW, na handang tumulong at  makipag laban para sa ikabubuti ng kalagayan ng hanay ito.

Sa mahigit na labing isang milyong OFWs, marahil naman ay makapipili tayo ng mga may lantay na puso para sa kapakanan ng sector na ito.

Sana pumili sila ng mga tapat sa tungkuling i-aatas at hindi nang dahil sa sistema ng palakasan at/o kasikatan lamang ng grupo na nag-endorso!


Dapat ang kinatawan ng mga OFW ay may malasakit sa kapuwa OFWs!

Tuesday, June 20, 2017

Lobonians OFWs at Grupong taga-Lobo nagka-isa para sa Eskwela

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Noong nakaraang  June 7, 2017 ay matagumpay na na-ilunsad ng Taga-Lobo FB-Group ang "First Charity Starter Kit Project", ito ay mapagmalasakit na sinuportahan ng mga OFWs na lihitimong taga-Lobo sa ibat-ibang panig ng mundo.

Bagama't sa pamamagitan lamang ng social media (facebook) ang naging tulay ng kumunikasyon, ay hindi ito naging hadlang upang ang magandang hangarin ng mga magka-kababayan ay ma-isagawa.

Nagawa ring mapag-ugnay ng mga taong namatnugot sa adhikaing ito ang mga taga lobo na nasa magkakalayong pook at bansa.

Kahima't  napakaikli ng panahon at masasabing gahol para sa pagpa-plano na halos dalawang linggo lamang  ay naging kagulat-gulat  sa mga mamamayang taga Lobo ang pangyayari sapagka't lubhang napakarami ng tumugon sa panawagan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi mula sa iba ibang panig ng mundo partikular ang Lobonians-OFWs gaya ng nabanggit na.

Sa simula ay tila  nagkaroon ng mga pag-aalinlangan ang ibang kababayan ngunit hindi napasubaliang  marami pa rin ang nagnanais na tumulong sa anumang  paraan at kakayanan.

Iba-iba man ang estado sa buhay ng mga taga Lobo gaya ng paniniwalang pulitikal o relihiyon,  at kahit na may kani-kaniyang kalagayan sa buhay ay nanaig pa rin ang tunay nilang damdamin at na ito ay ang pagkakaisa sa hangaring tulungan ang mga kababayan.

Tunay na nakagagalak ang ganitong uri ng mga pagkilos, at sana ay maging inspirasyon pa ng mga ibang may kakayahan at adhikain upang mas marami pa ang matulungan na mga kundi man masasabing kapus-palad ay sadyang nangangailangan ng tunay na pagdamay.

Sumasaludo ako sa mga nag-ugit sa nangyaring ito upang masimulan, sina Ms. Rei Adoyo, Julius  Marasigan, Denice de Chavez, Cynthia Ilagan at marami pang iba na kung babangitin ay hindi magka-kasiya sa column na ito, ganoon din sa mga tindahan na naging sentro ng pangangalap, sa lahat ng OFWs na Taga-Lobo, at sa lahat ng tumulong.


MABUHAY KAYO,  at nawa ay ito na ang simula upang taun-taon ay magkapagsagawa pa ng mas malaking paghahawak-kamay.

Tuesday, June 13, 2017

Paglilikasan sa OFWs sana may naka-handa

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Tila ma-aayos na ang kalagayan ng mga OFWs sa Qatar, nitong mga nakaraang araw ay dagliang binawi ng DOLE ang pagpigil ng pagpapadala ng mga manggagawa doon, matapos na makapag-muni marahil sa tunay na sitwasyon ng ating mga kababayan at base na rin sa mga impormasyong mula sa ating pasuguan.

Bagaman at maaaring malapit na sa paghupa ang krisis ay nakababahala pa rin ang mga susunod na mangyayari, dahil hindi natin nababatid ang talagang kalagayang politikal ng Middle East.

Sa pagkakataong ganito nararapat marahil na pag-isipan at paghandaan ang mga bagay na posibleng mangyari sa hinaharap lalo pa at hindi maikakaila na palala ng palala ang suliranin ukol sa terorismo partikular sa mga lugar na nabanggit.

Sana sakaling sumiklab ang mga bagay na hindi ina-asahan ay mayroon tayong tiyak na paglilikasan para sa ating mga kababayan, sa ganoon ay magiging matiwasay ang damdamin at isipin ng mga naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.

Ang ating mungkahi ay lumikha at/o magkaroon ng isang lupon na nakatutok sa bagay na ito, na sila ang mangangasiwa at uugit kung saan ang mga ligtas na "exit point" para mabilis na mailayo ang mga OFWs sa lugar na may mainit na tensyon.

Hindi naman marahil mahirap na gawin ito sapagkat maraming mga OFWs na maaaring maging boluntraryo sa gabay ng inatasan ng ating pamahalaan.

Sana mapag-ukulan ng pansin, mapag-aralang mabuti at mapagtibay ang bagay na ito alang-alang sa seguridad ng ating mga bagong bayani


Ang kaligtasan nila ay mahalaga lalo na sa mga damdamin ng kani-kanilang mga pamilya!

Tuesday, June 6, 2017

Ilang Recruitment Agencies, Malalakas ang Kapit?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Tila walang kinasisindakan ang ilang mga recruitment agency, partikular na ang mga nagpapadala ng mga manggagawa sa Middle East.

Kamakailan ay may natanggap tayong mga reklamo hinggil sa mga ito.

Kahit may mga utos na sa kanila na asikasuhin ang mga naduduhagi nating mga kababayan na nasa kanilang pangangalaga ay tila bingi ang mga taong ito.

Bagaman at may palatul o plaso na labinlimang araw upang sila ay umaksyon, karaniwan na umaabot na ng dalawa  o hanggang apat na buwan ay hindi pa rin sila nati-tinag.

Ang malaking katanungan ay; BAKIT? Sila  ba ay may mga padrino na malalaking politiko? O ang mga ahensyang ito ay pag-aari na mismo ng mga politikong sa halip na maging sandigan ng mga OFWs ay sila pang nagiging sanhi ng malubhang kabiguan?

Tinatawagan natin ang kina-uukulan.

Paki-suri naman po ng mga ahensyang may ganitong aktibidades at kung maaari ay ipasara na upang hindi na makapaminsala pa ng mga aping OFWs.

Subalit ang isa pang tanong; KAYA BA NG MGA KINA-UUKULAN NA GAWIN ANG MABAGSIK NA PAGPAPATUPAD NG KATARUNGAN?  O sila mismo ay mga kasapakat sa mga paglabag na magdudulot sa kanila ng limpak-limpak na salapi?

Kayo na po mga kababayan ang humatol, Ano ang katotohanan?


At sana naman magising na sa katotohanan ang mga ito, at kung hindi man kayo ma-konsesnsya ay MAHIYA NAMAN KAYO!