Tuesday, June 13, 2017

Paglilikasan sa OFWs sana may naka-handa

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Tila ma-aayos na ang kalagayan ng mga OFWs sa Qatar, nitong mga nakaraang araw ay dagliang binawi ng DOLE ang pagpigil ng pagpapadala ng mga manggagawa doon, matapos na makapag-muni marahil sa tunay na sitwasyon ng ating mga kababayan at base na rin sa mga impormasyong mula sa ating pasuguan.

Bagaman at maaaring malapit na sa paghupa ang krisis ay nakababahala pa rin ang mga susunod na mangyayari, dahil hindi natin nababatid ang talagang kalagayang politikal ng Middle East.

Sa pagkakataong ganito nararapat marahil na pag-isipan at paghandaan ang mga bagay na posibleng mangyari sa hinaharap lalo pa at hindi maikakaila na palala ng palala ang suliranin ukol sa terorismo partikular sa mga lugar na nabanggit.

Sana sakaling sumiklab ang mga bagay na hindi ina-asahan ay mayroon tayong tiyak na paglilikasan para sa ating mga kababayan, sa ganoon ay magiging matiwasay ang damdamin at isipin ng mga naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.

Ang ating mungkahi ay lumikha at/o magkaroon ng isang lupon na nakatutok sa bagay na ito, na sila ang mangangasiwa at uugit kung saan ang mga ligtas na "exit point" para mabilis na mailayo ang mga OFWs sa lugar na may mainit na tensyon.

Hindi naman marahil mahirap na gawin ito sapagkat maraming mga OFWs na maaaring maging boluntraryo sa gabay ng inatasan ng ating pamahalaan.

Sana mapag-ukulan ng pansin, mapag-aralang mabuti at mapagtibay ang bagay na ito alang-alang sa seguridad ng ating mga bagong bayani


Ang kaligtasan nila ay mahalaga lalo na sa mga damdamin ng kani-kanilang mga pamilya!

No comments: