Tuesday, June 27, 2017

OFW Representative mayroon bang silbi?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho

  
Ang POEA at OWWA ay mga ahensyang nakatuon ang pamamatnugot sa mga OFWs, at sa Konseho mismo nito ay mayroong mga piniling kinatawan ang mga OFWs.

Karaniwan na ang inilalagay sa tungkulin ay mga lider sa mga bansang dati nilang kinaroonan bilang mga manggagawang Pilipino.

Maganda ang layunin ng pagkakaroon nito at tila kapaki-pakinabang dahil makikitang mayroong tinig ang mga tinagurian ng gobyerno na mga Bagong Bayani.

Subalit gaano katotoo na sila ay nagiging sandigan?

Mapapansin na sa "social media" o kahit sa mismong "main stream" ay sala-salabat ang balita ng mga pagmaltrato sa mga kawa-awang mga "household workers" natin sa ibayong dagat.

At sa mga kaganapang ganito ay tila wala man lamang nagagawa ang mga kinatawan na ito.

Isang katotohanan na hindi sila kinaki-kitaan ng paglahok sa mga suliranin, ni hindi nga alam ng karamihang mga OFWs kung sinu-sino sila.

Kaya isang balintuna na isiping may nasasandigan ang mga OFWs  na kapuwa OFW  sa mga sector ng pamahalaan na nabanggit.

Nakalulungkot na "tila" sila ay kakampi pa ng mga mapanlinlang na "recruitment agencies" sa halip na maging tagapagtanggol ng kanilang kapuwa manggagawa.

Kung gayon ano ang silbi nila, bakit pa sila naroroon sa mga tungkuling hindi naman pinaki-kinabangan ng mga mismong nangangailangan?

Kung susuriing mainam, walang silbi ang mga taong ito, sa halip ay mga pampasakit lamang ng kalooban para sa mga OFWs na dumaranas ng mga ka-apihan, sapagka't ang kanilang pag-asa ay napapalitan lamang ng tuwirang pagkabigo.

Sana ay magising ang mga kina-uukulan, na kundi man alisin na ang mga representanteng ganito, ay palitan naman nila ng mga karapat-dapat.

Ihalal nila ang  mga OFWs na may likas na malasakit sa kanilang kapuwa OFW, na handang tumulong at  makipag laban para sa ikabubuti ng kalagayan ng hanay ito.

Sa mahigit na labing isang milyong OFWs, marahil naman ay makapipili tayo ng mga may lantay na puso para sa kapakanan ng sector na ito.

Sana pumili sila ng mga tapat sa tungkuling i-aatas at hindi nang dahil sa sistema ng palakasan at/o kasikatan lamang ng grupo na nag-endorso!


Dapat ang kinatawan ng mga OFW ay may malasakit sa kapuwa OFWs!

No comments: