Tuesday, July 25, 2017

Magkano ang halaga ng Free iDOLE?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang butihing Secretario ng DOLE o Departamento ng Pagawa ng Pilipinas na si  Ginoong Silvestre H. Bello 3° ay nagpahayag na magkakaroon ang mga OFWs ng OFW-ID o ang tinatawag na iDOLE, at tahasang sinabi niya na ito ay walang bayad gayon din na "life time" ang "duration" nito.

Nagdulot ito ng lubhang galak sa hanay karamihang OFWs lalo pa at sinabing ang "Identification Card" na ito ay magsisilbing kapalit ng OEC at magiging lihitimong ID na magagamit sa lahat ng mga transaksyon bilang isang mamamayang Pilipino.

Subalit ginulantang tayo ng tila balintunang balita, di-umano ito ay may bayad na kung su-sumahin ay nagkakahalaga ng P701.00 (pitong daan at isang piso) at na kung susuriing mainam ang lohika ng mga pangyayari ay sa pamamatnugot ng isang party-list na sa anyo ng pangalan ay pro-OFW.

Napag-alaman natin na ang kinatawan ng partylist na ito ay nagma-may ari di-umano ng malalaking recruitment agency.

Ginimbal tayo ng ulat na ito at sa katotohanan ay hindi natin karakang mapaniwalaan, subalit patuloy ang pagkalat sa social media ng mga alegasyon na malaki ang posibilidad na mino-monopolya ng grupong ito ang sitwasyon, may espikulasyon din ang karamihang netizen na maaaring gamitin ang mga record ng mga OFWs na kukuha ng IDs para sa mas ma-anomalyang kadahilanan.

Ang column na ito ay nananawagan sa kina-uukulan na sana ay magkaroon ng masusing imbistigasyon na kapapalooban ng indibiwal na lupon upang masuring mainam ang bagay na ito.

Ang nais natin ay ang maiwasan ang mga samu't-saring isipin ng mamamayan, ang kadalisayan ng hangarin ng Sec. Bello na hindi dapat mahaluan ng pagsasamantala at ang pagkakasuwato ng pahayag dahil kitang-kita na taliwas sa pahayag at layunin ni Secretary ang huling mga balitang lumalabas.


Sana makarating sa kina-uukulan ang panawagan at adhikain natin na ang OFWs ay tunay na pangalagaan at huwag pagsamantalahan!

Tuesday, July 18, 2017

ATN Officers hindi nga ba aktibo?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang tanggapan ng ATN (Assistance to national) sa ating mga pasuguan ang isa sa may pinaka-mahalagang papel na ginagampanan para sa ating mga kapuwa Pilipinong nandarayuhan.

Sa mga problema, kaso at iba pang uri ng kinasasadlakan ng mga Pilipino sa ibang bansa partikular ang OFWs, ay ito ang dinudulugan.

Sila rin ang karaniwang nagsasa-ayos ng mga papeles kapag may nasawi o nagkaroon ng malubhang karamdaman na kakailanganing ipa-uwi sa bansa.

Subalit kapuna-punang "tila" hindi gaanong aktibo ang dibisyong ito,  sa Middle East ay samu't-sari ang mga reklamo patungkol sa tanggapan dahilan sa di-umano'y kakulangan sa pag-aasikaso sa mga duhaging mamamayan.

Sa Europa lalo na sa Italia ay may mga mangilan-ngilang reklamo din tayong nakakalap, kamakailan ang ating mga kabataan sa Cisterna di Latina ay nalagay sa deskriminasyon, sila ay binu-bully at higit pa roon ay sinasaktan ng mga kabataang Italiano, at ang nabatid natin na ang ATN officer umano ay wala man lamang reaksyon sa bagay na ito.

Sa Roma naman may ilang namatayan ng kamag-anak na hindi naman naka-tanggap ng mabilis na pag-ayuda kaya binalikat na lamang ng mga ka-anak at kaibigan ang mga gugol upang agarang maipa-uwi ang labi ng yumao.

Ilan lamang iyan sa nabatid ng comulmn na ito hinggil sa ATN officers noon at ngayon, mapaniniwalaan ang mga issue na nabanggit sapagka't ang inyong lingkod mismo ay nakaranas o nakasaksi sa mistulang kapabayaan ng ATN officer sa Roma apat at dalawang taon na ang nakara-raan.

Kaya ang pitak na ito at parang "balaraw" na umuugit ng isang katanungan;  Bakit ang mga ATN Officers ay "tila" hindi aktibo?

Sana ay mapagtuunan ng pansin ng mga kina-uukulan ang bagay na ito upang kundi man ma-alis ang mga tiwaling opisyal, ay mabawasan ito at mapalitan ng mga taong may tunay na pagmamalasakit sa kanilang mga kababayan at na may katapatan sa tungkuling kanilang gina-gampanan.

Tuesday, July 11, 2017

Matatawag bang deskriminasyon sa DFA?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Maraming pumupunta sa ating partner na Travel (hindi recruitment) Agency, sila ay nagbabayad ng bills, nagsasa-ayos ng mga documento, kumukuha ng appointment sa NBI, pagkuha ng OEC at iba pa.

Nakatawag ng pansin sa akin ang pag-proseso ng passport, maging ito man ay "renewal" o pagkuha ng bago o dahilan ng pagkawala.

Napa-isip ako bakit may rush at may regular(ordinary) na transaksyon? 

Kapuna-punang mas mataas na di hamak ang halaga ng rush at na ito ay sa lalong madaling panahon.

Bakit ganoon tila may deskriminasyon?

Kung ikaw ay may pera mas madali ang pagkakaroon mo ng passport, samantala kapag ikaw ay mayroong kakaunting halaga, maghihintay ka ng mas maraming araw.

Hindi ba nakalulungkot naman ito sa mga mahihirap na walang kasapatan ang kanilang "budget" dahil kitang-kita ang pagkatig ng serbisyo sa may maraming salapi?

Sa ganang ating opinyon, hindi makatuwiran ang ganito, dapat ay patas na pagtingin sa mga mamamayan, kaya nagmumungkahi tayo na sana ay gawing isang presyo na lamang ang mga pasaporte at sa isang pare-parehong araw na takda ang pagbibigay.

Hindi ba natin magagawang ganoon?

Sana mapag-aralang mabuti ang bagay na ito upang sa ganoon ay hindi naman masaktan ang mga damdamin ng mahihirap na mamamayan sa ganitong okasyon.


Sana maging parehas ang serbisyo upang ang  palatuntunang "rush" at regular(ordinary) ay hindi na makapagigay ng isipin, kung matatawag nga ba itong deskriminasyon sa DFA!

Tuesday, July 4, 2017

Drug Test sa mga Embahada dapat ipatupad

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakalulungkot subalit hindi maikakaila ang katotohanan na talamak ang ilegal na droga sa ibayong dagat na kinalù-lulungan ng maraming Pilipino na naroroon.

Sa Milan Italia kamakailan ay nagkaroon ng magkasuwatong proyekto ang ating pasuguan at ang lokal na pulisya  upang pigilan ang mga ganitong aktibidades.

Maaaring itinatago ng iba ang katotohanan subalit nagsusumigaw pa rin ang payak na kalakaran, ang ating mga kababayan partikular sa mga kabataan ay nakapanga-ngambang baka masadlak sa kapahamakan dahil dito.

Ayon sa mga impormasyong ating natanggap mula sa mga ka-OFW na nagbakasyon dito, talamak at tila hindi mapigilan ng mga awtoridad ang sirkulasyon ng ipinagbabawal na gamot, partikular sa Firenze at Milano.

Ang nakagagalak  nga lamang  ay halos kumpermahin ng ating  nakapanayam na hindi nanggagaling sa Pilipinas ang mga di-umanoy shabu, ito aniya ay sa Italia na mismo ginagawa at na mga Pakistano at Intsek ang hinihinuhang mga namamahala sa merkado nito, kaya naman nabibili ito ng ating mga kababayan sa murang halaga.

Wala na rin umano na mga malalaking(big time) pusher na mga Pilipino (gaya noong una na mga nababalitaan) sapagkat direkta ng bumibili ang mga Pinoy na may nais sa mga singkit at itim.

Tunay na nakababahala ang bagay na ito, dahil nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga pamilya, hindi natin alam "baka" ang isa sa miyembro ng pamilya ay lulong na pala sa ipinagbabawal na gamot.

Wala tayong tinutukoy ngunit nagmumukahi upang ma-agapan ang nangyayaring ito, dapat mapigil ang mga kaganapan, kaya naman ang ating panukala ay maghigpit ang ating embahada at magpatupad ng isang regulasyon, gaya halimbawa sa pagre-renew ng passport, dapat isa sa mga requirements ay ang drug test.

Sa suhestiyon nating ito ang "DRUG TEST" bilang requirement sa pagre-renew ng passport, ay makatitiyak tayo na magkakaroon ng pansariling disiplina ang bawat OFW upang iwasan ang pagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Masisiguro natin na kundi man tumigil ang isang gumagamit nito, siya ay magpapahinga ng matagal upang paghandaan ang nasabing panahon ng pagsasa-ayos niya ng kaniyang documento.

Ito ang panukala ng ating column, upang mabawasan kundi man mawala ang mga OFW na lullong sa droga, na sa aminin o hindi ay talagang mayroong mga ganito.


DRUG TEST sa mga Pilipinong magre-renew ng passport sa mga embahada nararapat ipatupad na!