Tuesday, July 18, 2017

ATN Officers hindi nga ba aktibo?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang tanggapan ng ATN (Assistance to national) sa ating mga pasuguan ang isa sa may pinaka-mahalagang papel na ginagampanan para sa ating mga kapuwa Pilipinong nandarayuhan.

Sa mga problema, kaso at iba pang uri ng kinasasadlakan ng mga Pilipino sa ibang bansa partikular ang OFWs, ay ito ang dinudulugan.

Sila rin ang karaniwang nagsasa-ayos ng mga papeles kapag may nasawi o nagkaroon ng malubhang karamdaman na kakailanganing ipa-uwi sa bansa.

Subalit kapuna-punang "tila" hindi gaanong aktibo ang dibisyong ito,  sa Middle East ay samu't-sari ang mga reklamo patungkol sa tanggapan dahilan sa di-umano'y kakulangan sa pag-aasikaso sa mga duhaging mamamayan.

Sa Europa lalo na sa Italia ay may mga mangilan-ngilang reklamo din tayong nakakalap, kamakailan ang ating mga kabataan sa Cisterna di Latina ay nalagay sa deskriminasyon, sila ay binu-bully at higit pa roon ay sinasaktan ng mga kabataang Italiano, at ang nabatid natin na ang ATN officer umano ay wala man lamang reaksyon sa bagay na ito.

Sa Roma naman may ilang namatayan ng kamag-anak na hindi naman naka-tanggap ng mabilis na pag-ayuda kaya binalikat na lamang ng mga ka-anak at kaibigan ang mga gugol upang agarang maipa-uwi ang labi ng yumao.

Ilan lamang iyan sa nabatid ng comulmn na ito hinggil sa ATN officers noon at ngayon, mapaniniwalaan ang mga issue na nabanggit sapagka't ang inyong lingkod mismo ay nakaranas o nakasaksi sa mistulang kapabayaan ng ATN officer sa Roma apat at dalawang taon na ang nakara-raan.

Kaya ang pitak na ito at parang "balaraw" na umuugit ng isang katanungan;  Bakit ang mga ATN Officers ay "tila" hindi aktibo?

Sana ay mapagtuunan ng pansin ng mga kina-uukulan ang bagay na ito upang kundi man ma-alis ang mga tiwaling opisyal, ay mabawasan ito at mapalitan ng mga taong may tunay na pagmamalasakit sa kanilang mga kababayan at na may katapatan sa tungkuling kanilang gina-gampanan.

No comments: