Tuesday, July 4, 2017

Drug Test sa mga Embahada dapat ipatupad

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakalulungkot subalit hindi maikakaila ang katotohanan na talamak ang ilegal na droga sa ibayong dagat na kinalù-lulungan ng maraming Pilipino na naroroon.

Sa Milan Italia kamakailan ay nagkaroon ng magkasuwatong proyekto ang ating pasuguan at ang lokal na pulisya  upang pigilan ang mga ganitong aktibidades.

Maaaring itinatago ng iba ang katotohanan subalit nagsusumigaw pa rin ang payak na kalakaran, ang ating mga kababayan partikular sa mga kabataan ay nakapanga-ngambang baka masadlak sa kapahamakan dahil dito.

Ayon sa mga impormasyong ating natanggap mula sa mga ka-OFW na nagbakasyon dito, talamak at tila hindi mapigilan ng mga awtoridad ang sirkulasyon ng ipinagbabawal na gamot, partikular sa Firenze at Milano.

Ang nakagagalak  nga lamang  ay halos kumpermahin ng ating  nakapanayam na hindi nanggagaling sa Pilipinas ang mga di-umanoy shabu, ito aniya ay sa Italia na mismo ginagawa at na mga Pakistano at Intsek ang hinihinuhang mga namamahala sa merkado nito, kaya naman nabibili ito ng ating mga kababayan sa murang halaga.

Wala na rin umano na mga malalaking(big time) pusher na mga Pilipino (gaya noong una na mga nababalitaan) sapagkat direkta ng bumibili ang mga Pinoy na may nais sa mga singkit at itim.

Tunay na nakababahala ang bagay na ito, dahil nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga pamilya, hindi natin alam "baka" ang isa sa miyembro ng pamilya ay lulong na pala sa ipinagbabawal na gamot.

Wala tayong tinutukoy ngunit nagmumukahi upang ma-agapan ang nangyayaring ito, dapat mapigil ang mga kaganapan, kaya naman ang ating panukala ay maghigpit ang ating embahada at magpatupad ng isang regulasyon, gaya halimbawa sa pagre-renew ng passport, dapat isa sa mga requirements ay ang drug test.

Sa suhestiyon nating ito ang "DRUG TEST" bilang requirement sa pagre-renew ng passport, ay makatitiyak tayo na magkakaroon ng pansariling disiplina ang bawat OFW upang iwasan ang pagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Masisiguro natin na kundi man tumigil ang isang gumagamit nito, siya ay magpapahinga ng matagal upang paghandaan ang nasabing panahon ng pagsasa-ayos niya ng kaniyang documento.

Ito ang panukala ng ating column, upang mabawasan kundi man mawala ang mga OFW na lullong sa droga, na sa aminin o hindi ay talagang mayroong mga ganito.


DRUG TEST sa mga Pilipinong magre-renew ng passport sa mga embahada nararapat ipatupad na!

No comments: