Tuesday, July 25, 2017

Magkano ang halaga ng Free iDOLE?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang butihing Secretario ng DOLE o Departamento ng Pagawa ng Pilipinas na si  Ginoong Silvestre H. Bello 3° ay nagpahayag na magkakaroon ang mga OFWs ng OFW-ID o ang tinatawag na iDOLE, at tahasang sinabi niya na ito ay walang bayad gayon din na "life time" ang "duration" nito.

Nagdulot ito ng lubhang galak sa hanay karamihang OFWs lalo pa at sinabing ang "Identification Card" na ito ay magsisilbing kapalit ng OEC at magiging lihitimong ID na magagamit sa lahat ng mga transaksyon bilang isang mamamayang Pilipino.

Subalit ginulantang tayo ng tila balintunang balita, di-umano ito ay may bayad na kung su-sumahin ay nagkakahalaga ng P701.00 (pitong daan at isang piso) at na kung susuriing mainam ang lohika ng mga pangyayari ay sa pamamatnugot ng isang party-list na sa anyo ng pangalan ay pro-OFW.

Napag-alaman natin na ang kinatawan ng partylist na ito ay nagma-may ari di-umano ng malalaking recruitment agency.

Ginimbal tayo ng ulat na ito at sa katotohanan ay hindi natin karakang mapaniwalaan, subalit patuloy ang pagkalat sa social media ng mga alegasyon na malaki ang posibilidad na mino-monopolya ng grupong ito ang sitwasyon, may espikulasyon din ang karamihang netizen na maaaring gamitin ang mga record ng mga OFWs na kukuha ng IDs para sa mas ma-anomalyang kadahilanan.

Ang column na ito ay nananawagan sa kina-uukulan na sana ay magkaroon ng masusing imbistigasyon na kapapalooban ng indibiwal na lupon upang masuring mainam ang bagay na ito.

Ang nais natin ay ang maiwasan ang mga samu't-saring isipin ng mamamayan, ang kadalisayan ng hangarin ng Sec. Bello na hindi dapat mahaluan ng pagsasamantala at ang pagkakasuwato ng pahayag dahil kitang-kita na taliwas sa pahayag at layunin ni Secretary ang huling mga balitang lumalabas.


Sana makarating sa kina-uukulan ang panawagan at adhikain natin na ang OFWs ay tunay na pangalagaan at huwag pagsamantalahan!

No comments: