Tuesday, August 29, 2017

Sa pagkamatay ni KIAN, Anong aral ang nakuha natin?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Naging mainit ang issue sa pagkamatay ng isang anak ng OFW na si Kian delos Santos, sadyang nakagigimbal dahil 17 anyos lamang siya at maituturing na napaka-bata pa para pumanaw.

Marami pang pangarap sa buhay na nais niyang tuparin at maranasan, subalit ngayon ay wala na, hindi na iyon magkakaroon ng kaganapan dahil sa trahedyang nangyari.

Sa isang inang OFW na nagpapakasakit sa ibang bansa para sa kanilang kinabukasan, ito ay isang malaking dagok para sa kaniya, isang pasakit na kung tayo mismo ang makararanas ay baka hindi nating kaagad na makayanan.

Samu't-sari ang lumalabas na pahayag, di-umano ay talagang drug runner ang batang ito, ayon naman sa panig ng kaniyang pamilya isang simpleng mag-aaral lamang siya at may pangarap pa nga na maging pulis sa hinaharap na panahon.

Iba-iba ang opinion at nagkakasalungatan pa nga bunga ang mga pangyayaring tanging siya lamang ang lubusang naka-aalam ng katotohanan.

Ngunit anoman ang totoong naganap, may  aral tayong makukuha sa kaniyang kamatayan, Ito ay ang pagkakaroon ng wastong pamamaraan ng operasyon upang labanan ang ilegal na droga.

Maiiwasan ang ganitong walang habas na patayan na ang iba ay lihitimo at ang iba naman ay nahaluan ng iregularidad, maiiwasan din na gamitin ng mga hidhid na pulitiko ang mga issue na kalimitan ay para sa pansarili o kundi man ay pampartidong kapakinabangan at hindi naman talaga para sa tunay na pagdamay sa nasawi.

Kung tayo ang tatanungin, hindi nararapat na ang lahat ng kapulisan ay maging bahagi ng kampanya laban sa ilegal na gawaing ito, nararapat sana na magkaroon ng espesipikong debisyon na itatalaga lamang  upang sa ganoon ay maiwasan ang pagsasamantala at na madali rin matukoy kung mayroong gagawa ng labag sa alituntuning inilunsad ng ating pamahalaan.

Sana ang pulis para sa ilegal na droga ay para lamang doon at sila lamang ang nakatutok sa mga ganoong aktibidades, ang sa trapiko ay para sa trapiko, ang sa ibang uri ng kriminalidad ay para sa kani-kanilang atas upang mas maipatupad ang katarungan ng na-aayon sa mga polisia(alituntunin).

Sana makapagigay ng idea ang artilukong ito at na madagdagan pa ng mga kanila namang suhestiyon base sa karanasan nila bilang mga tagapagpatupad ng batas.


Sana makakuha natin ang aral sa pagkamatay ng grade 11 student na si Kian!

Tuesday, August 22, 2017

Sa kaso ni Comelec Chairman Andy Bautista apektado ba ang OFWs?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakagigimbal ang balita tungkol kay Comelec chairman Andy Bautista, ayon sa isiniwalat ng mismong asawa niya,  di-umano'y may halos o mahigit pa marahil na isang bilyong pisong tagong yaman ng taong ito.

Ayon sa salaysay at mga ebidensya na inilantad ni ginang Bautista, hindi maipaliwanag ng kaniyang mister ang kayamanang iyon.

Tungkol naman sa ating mga OFWs, ano ang kaugnayan nito?  Sa ating pananaw ay napakalaki, dahil kung sakaling may katotohanan ang akusasyon, maaaring ang mga kayamanang yaon ay galing sa mga iligal na aktibidades sa comelec mismo na kaniyang pinamumunuan, sapagka't bilang pangkalahatang tagapamahala ng ahensya higit sa lahat ay siya ang ugat ng mga kasamaan doon kung mayroon man at na ito ay kaniyang pananagutan.

Matatandaan na nitong nakaraang halalan ay kabi-kabila ang mga issue ng diumano'y mga dayaan, at kung mayroon nga nito, tiyak na may malaking halaga na kasangkot dito na maaaring doon nga galing ang sinasabing tagong yaman.

Sa mga pangyayari ay apektado ang mga OFWs, lubhang na-apektuhan ang kanilang tiwala, kung kaya bagaman at bahagi sila ang lipunan ay tila bantulot silang lumahok sa halalan, ni hindi nga na-abot ang malaking porsyento % ng mga nagpa-rehistro o kung rehistrado man ay hindi nangagsi-boto.

Hindi natin sila masisi, dahil sa lumulubhang kurapsyon ay tila nawawalan na sila ng tiwala at pag-asa.

Ito ang isa sa nakikita nating pagka-apekto sa ating mga bagong bayani, ang kanilang kawalang tiwala na nagmi-mistulang masamang bangungot, dahil ang kawalang dignidad ng comelec ay pangunahing nagdudulot ng takot na mapamunuan tayo ng mga may masasamang budhing pulitiko na nakakuha ng posisyon sa pamamagitan ng daya at panlilinlang gamit ang maruming salapi na ninakaw sa bayan.

Ayon naman  sa ating mga nakapanayam na OFWs, kung ang boto na mismong nasa sariling bayan ay nadadaya, lalong higit na posibleng mas dayain ang boto namin na milya-milya ang layo sa bansa.

Sana ma-ayos na ang issue ng comelec upang sa ganoon, maging malinis na ang ahensya at mapalitan ang dapat palitan, para sa kapakanan ng bayan!


Tuesday, August 15, 2017

OEC dapat na Prebilehiyo sa Pilipinong Carta di Soggiorno Holder sa Italia

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Maraming tulong pinansyal ang inilulunsad para sa mga OFWs, ang mga banko karaniwan ay nagpapautang para tulungan ang OFW na nais mag negosyo, magpa-ayos ng bahay, pagpapa-aral at iba pang personal na pangangailangan.

Subalit may nakikita tayong kaunting kakulangan sa bagay na ito.

Para sa mga Pilipino na nasa Italia, marami sa kanila ang hindi mapagkakalooban ng ganitong prebilehiyo, sapagka't ang isa sa mga requirement sa pagpapahiram  ay ang  OEC, isang documento na hindi ibinibigay sa  isang may hawak na Carta di Soggiorno (CdS), kaya nahihirapan ang halos 40% ng mahigit 200.000 Pilipino mula Sicilia hanggang Como para sa programa sa pa-utang.

Kung tutuusin ay higit na mas may kapasidad na makapagbalik ng kaniyang hiniram ang isang CdS holder dahil "indefinite" ang "permit of stay nila, ibig sabihin ay mas may kalayaan silang magpabalik-balik sa bansang Italia para makapag-trabaho..

Kung sabagay ay mayroon namang katumbas ng OEC na ibinibigay, ito ay sa Department of Tourism nila  kinukuha, isang certificate na nagpapahintulot magbyahe na kahalintulad ng OEC.

Subalit hindi ito kinikilala ng mga bangko sa Pilipinas kapag isinumiteng kapalit ng OEC bilang katunayan na babalik sila ng Italia para mag-trabaho.

Kaya malugod nating iminumungkahi na magkaroon ng prebilehiyo ang mga CdS holder na mabigyan ng OEC dahil sila rin naman ay mga Pilipinong nagta-trabaho sa ibang bansa, o kundi man, maglaan sana ng pakikipag-ugnayan ang POEA sa mga banko upang kilalanin ang travel certificate na galing Tourism na kapalit ng OEC, upang sa ganoon ay mapagbigyan din sila ng pagkakataon na maka-utang gaya ng ibang mga OFWs na nagnanais na mas umasensyo pa ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng mahihiram na puhunan.


Ang mga OFWs ay halos iisa ang kinasasadlakan, iisa rin ang kanilang mga hinaing at sentimyento, kung kaya nararapat lamang marahil na bigyan natin sila ng pantay na pagtrato.

Tuesday, August 8, 2017

SSS at Philhealth dapat ng pag-isahin

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Naging mainit na issue para sa mga OFWs ang planong pagtataas ng bayarin sa Philhealth, diumano ito naman ay madaragdagan ng mga benepisyo.

Mula sa  P2.400 (ayon sa ulat) ito ay magiging P3.600 na  kada taon,  Subalit ang tanong ay anu-ano nga bang mga benepisyo pa ang madaragdag bukod sa ayudang pang kalusugan at pagpapa-ospital?

Habang ina-alam natin ang mga ito,  ay ating minu-muni ang mga nais nating ipanukala, Bakit hindi na lamang pag-isahin ang OFW account para sa philhealth at SSS?

Sa ating pananaw  malaking bentahe kung gagawin ito, sapagka't bukod sa ayudang pangkalusugan mapaghahandaan pa ng isang OFW ang kaniyang kinabukasan sa pamamagitan ng maa-asahang pensyon kapag dumating ang katandaan.

Ilalayo at huwag ilalapit ay panatag siya dahil mayroon ding death benefits na matatanggap sakaling dumating ang isang di ina-asahang pangyayari.

Maaari rin marahil na taunan ang pag-hulog  dito sa halip na buwan-buwan upang hindi maging ka-abalahan sa isang OFW na nakatira karaniwan sa bahay ng kanilang employer.

Kung mapag-uukulan ng masusing pag-aaral  ang bagay na ito, sana ay tutukang mabuti ang usapin dahil kapakanan at kinabukasan ng tinatawag nating mga bagong bayani ang nakataya.

Makatutulong din ito sa pagkakaroon ng tuloy-tuloy na koleksyon at walang patid na pagbibigay ng tulong sa mga kasapi.


Naniniwala tayo na mas makaka-akit ang prosesong ganito upang mas tangkilikin ng mga OFWs ang sistema dahil makikita ang tiyak na benepisyo bukod pa sa panghabang-buhay ito at hindi pangtaon-taon lamang.

Tuesday, August 1, 2017

Balik Bayan Box; Suriin sanang mabuti ang sitwasyon?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho

  
Kasunod ng mainit na issue tungkol sa iDOLE o ang bantog n OFW ID, heto naman ang Balik Bayang Box.

Magugunitang noong nakaraang taon ay naging usapin ang tungkol sa umano'y pagpapataw ng buwis  sa bawa't ipadadala ng OFWs sa kanilang pamilya.

Hindi ito nagustuhan ng karamihang OFWs kung kaya umani ng sangkatutak na batikos lalo na sa pamamagitan social media.

Na-resolba naman ang lahat at nagdeklara ang bureau of costums (BOC) na exempted ang mga OFWs, ito kung hindi tayo nagkakamali ay mula ng ma-upo sa panunungkulan si Commissioner Faeldon.

Subalit nitong nakaraang mga araw ay ginulantang tayo ng balita hinggil na naman sa Balik Bayan Box, ipinanukala na i-itemized ang lahat ng laman ng kahon, nagalit na namang muli ang mga OFWs dahil maaari di-umano itong maging daan ng panibagong kurapsyon at nakawan.

Sa ating pananaw naman, may kagandahan ang ganitong paggawi dahil ito ang sa tingin natin ay ha-hadlang sa pang-uumit, at kung magkaroon man ay mas madali ang reklamo dahil may record ng mga mawawalang gamit "kung" mayroon man.

Pero ang hindi nating sinasang-ayunan ay ang paglimita sa mga padadalhan, nabatid natin na di-umano'y pamilya o lihitimong kamag-anak lamang ang maaaring padalhan ng bagaheng ganito.

Sa ating palagay hindi ito makatarungan at isang uri ng paniniil, sapagka't paano kung nais ng isang OFW na padalhan ng gamit bilang regalo ang kaniyang kaibigan o kapit-bahay na  pinagkakautangan (halimbawa) ng loob?

Hindi naman maaaring sabihin na ipadala sa pamilya muna at saka ibigay sa kina-uukulan dahil may mga pagkakataon na nais natin na magbigay ng sorpresa bilang tanda ng pagpapa-salamat.

Kaya sana ay bigyan pa rin ng masusing pag-aaral ang tungkol sa bagay na ito, upang sa ganoon ay maiwasan ang mga di wastong haka-haka at isipin ng bawa't mamamayan.


Nananawagan din tayo sa kina-uukulan na sana'y  maging makatarungan ang bawa't pagpapasya upang ang sambayanan ay maging panatag ang pamumuhay sa bawa't kumunidad.