Tuesday, August 22, 2017

Sa kaso ni Comelec Chairman Andy Bautista apektado ba ang OFWs?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakagigimbal ang balita tungkol kay Comelec chairman Andy Bautista, ayon sa isiniwalat ng mismong asawa niya,  di-umano'y may halos o mahigit pa marahil na isang bilyong pisong tagong yaman ng taong ito.

Ayon sa salaysay at mga ebidensya na inilantad ni ginang Bautista, hindi maipaliwanag ng kaniyang mister ang kayamanang iyon.

Tungkol naman sa ating mga OFWs, ano ang kaugnayan nito?  Sa ating pananaw ay napakalaki, dahil kung sakaling may katotohanan ang akusasyon, maaaring ang mga kayamanang yaon ay galing sa mga iligal na aktibidades sa comelec mismo na kaniyang pinamumunuan, sapagka't bilang pangkalahatang tagapamahala ng ahensya higit sa lahat ay siya ang ugat ng mga kasamaan doon kung mayroon man at na ito ay kaniyang pananagutan.

Matatandaan na nitong nakaraang halalan ay kabi-kabila ang mga issue ng diumano'y mga dayaan, at kung mayroon nga nito, tiyak na may malaking halaga na kasangkot dito na maaaring doon nga galing ang sinasabing tagong yaman.

Sa mga pangyayari ay apektado ang mga OFWs, lubhang na-apektuhan ang kanilang tiwala, kung kaya bagaman at bahagi sila ang lipunan ay tila bantulot silang lumahok sa halalan, ni hindi nga na-abot ang malaking porsyento % ng mga nagpa-rehistro o kung rehistrado man ay hindi nangagsi-boto.

Hindi natin sila masisi, dahil sa lumulubhang kurapsyon ay tila nawawalan na sila ng tiwala at pag-asa.

Ito ang isa sa nakikita nating pagka-apekto sa ating mga bagong bayani, ang kanilang kawalang tiwala na nagmi-mistulang masamang bangungot, dahil ang kawalang dignidad ng comelec ay pangunahing nagdudulot ng takot na mapamunuan tayo ng mga may masasamang budhing pulitiko na nakakuha ng posisyon sa pamamagitan ng daya at panlilinlang gamit ang maruming salapi na ninakaw sa bayan.

Ayon naman  sa ating mga nakapanayam na OFWs, kung ang boto na mismong nasa sariling bayan ay nadadaya, lalong higit na posibleng mas dayain ang boto namin na milya-milya ang layo sa bansa.

Sana ma-ayos na ang issue ng comelec upang sa ganoon, maging malinis na ang ahensya at mapalitan ang dapat palitan, para sa kapakanan ng bayan!


No comments: