Tuesday, November 7, 2017

OFWs Todo-suporta sa Federalismo

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho


Mula ng maupong Presidente si Pangulong Rodrigo Duterte, ay dumami ang nagsulputang mga organisasyon na sumusuporta sa kaniya. 

Hindi maikakaila na ang karamihan ay mga karaniwang mamamayan na tila mga sabik sa bagong yugtong tatahakin ng ating bansa.

Kapansin-pansin na hindi nagpapahuli ang mga OFWs sa pag-gawing ito, sila man ay lumilikha rin ng mga samahan o kundi man ay nakaka-anib sa mga asosasyong mula sa Pilipinas.

Nariyan ang "Mula sa Masa DU30 Movement o MMDM, ang Hugpong Federal, Kilusang Pagbabago at marami pang iba, maging ang partido Pulitikal ng Pangulo na PDP-Laban ay ginawa na ring tila  isang Peoples Movement (kilusang bayan).

Hindi nakapagtataka dahil sa ang sinusuong nilang layunin ay nauuwi lamang sa iisa, ito ay ang pagsusulong ng Federalismo, ang sistemeng pampamahalaan na ipinangako na noon pa man ng pangulo na ipatutupad kapag nanalo ito.

Ano nga ba ang tila magnetong dala ng Federalismo? 

Ito na nga ba marahil ang maghahango sa kahirapan ng bansa at na magiging daan ng pagkawala ng kurapsyon?

Sa ngayon hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng lahat, subalit naging isang magandang hudyat ito upang masalamin na maari pa rin palang magka-isa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng ganitong mga paraan.


Sana ang pagkakaisang ito ay maging tuloy-tuloy upang maibsan ang balakid sa pag-unlad ng ating bayan, at sana'y ito na ang maging daan ng kaunlaran para sa lahat upang sa ganoon madama nating hindi nagkamali ang mga OFWs na todo-suporta sa Federalismo.

Tuesday, October 24, 2017

OEC Tuluyang Aalisin Na?

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho



Sa idinaos na pulong sa Embahada ng Pilipinas sa Roma na dinaluhan ng maraming Filipino Community Leaders at mga taga embahada sa pangunguna ng Ambassador, nilinaw ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III na bago matapos ang taong 2017 ay ilalabas na ang IRR o Implementing Rules and Regulation ng iDOLE.

Minamadali umano ng itinalaga niyang kumite ang pag-aaral at pagsasa-ayos ng lahat ng mga programa ukol dito.

Magugunitang naging kontrobersyal ang issue dahilan sa hindi natiyak kung ito ba ay magiging libre o babayadan at kung may bayad nga ang pag-imprenta nito, ngunit ang tanong ay sino ang magsasabalikat ng mga gastusin.

Sa gitna ng pag-uusap ay tiniyak ng kalihim na magiging maluwag ang implementasyon at kung may kaunti mang dalahin ang mga OFWs ay hindi ito magiging sagabal sa kanilang mga naka-ugalian.

Sinagot din ni Bello ang tanong ng grupong TaskForce - OFW International tungkol sa OEC, anipa ng kalihim wala ng saysay na pag-usapan pa ang tungkol dito at wala ng dapat ipag-alala ang mga OFWs dahilan sa kapag naipatupad na ang pamamahagi ng iDOLE, ito na ang magsisilbing kapalit(subtitute) sa nasabing dokumento (OEC) para sa malayang pagbyahe ng isang OFWs o maging ang mga dating(former) OFW sapagka't sakop nito ang  nasabing sector.

Tinalakay din pulong  ang kasalukuyang sitwasyon ng peace talk, ang tungkol sa human rights at maging ang katiyakan ng pagtatayo ng OF-Bank (kilala bilang OFW Bank), subalit nanatiling wala siyang naging komento (no comment) sa usapin ng panukalang batas tungkol sa binabalangkas na Department of OFW.

Ganun pa man ay punong-puno ng pag-asa ang mga nakibahagi sa diyalogo  lalo na nang mabatid mula mismo sa mga labi ng butihing Secretario na tuluyan ng aalisin ang OEC na matagal ding panahong naging kontrobersyal sa mundo ng mga OFWs.

Tuesday, October 17, 2017

Sa DFA - Lipa, Hindi uso ang palakasan

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho


Kamakailan ay natunghayan natin sa mga pahayagan na isang konsehal sa isang bayan sa Batangas ang ipina-suspindi ng DFA Regional Director sa Lipa City.

Ang dahilan, hina-harass umano ng local official na ito ang mga tauhan sa regional office ng Lipa, nais niyang mas mauna sa mahabang pila partikular na kinabibilangan ng daan-daang OFWS.

Hindi siya pinayagan kung kaya nagsisigaw di-umano ito at nagbigay pa ng pagbabanta, kitang-kita sa cctv ang kanyang reaksyon na nangagalaiti sa galit sa director (ng DFA-Lipa) at mga tauhan nito.

Iginiit naman ng Director ng nasabing tanggapan na si Gng. Nancy T. Garcia, na sinusunod lamang nila ang alituntunin at hindi niya pinapayagan ang anumang uri ng palakasan na isang uri ng curruption, bukod sa roon isinasa-alang alang din niya ang kapakanan ng mga OFWs na nagmula pa sa malalayong lugar at na mga mga ito ay marapat na mabilis na mapagsilbihan.

Ayon pa sa director; "hindi pwede ang ganyan dito kahit pa sinong malaking tao ang backer ng konsehal na 'yan ay dapat siyang sumunod sa patakaran dahil hindi naman niya pag-aari ang gobyerno kundi sa mga mamamayan."

Ang pangyayaring ito ay ikinatuwa ng marami lalo na sa hanay ng mga OFWs sapagka't nabanaag nilang hindi sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan ay may palakasan gaya ng kina-ugalian na siyang nagiging suliranin ng mga walang kapit sa matataas na opisyal ng lipunan.

Tayo rin bilang mga taga Batangas ay maipagmamalaki natin, na sa Regional Office ng Department of Forreign Affairs sa Lipa ay hindi uso ang palakasan.

Tuesday, October 3, 2017

Requirements sa Renewal ng Passport tila nadagdagan?

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho



Noong September 7, 2017 ay nagpalabas ng Advisory ang Philippine Embassy sa Rome Italy at naging kontrobersyal ang issue na ito hinggil sa birth certificate ng mga minors bilang requirement sa pag-renew ng kanilang passport.

Ito ay tila naka-gimbal sa mga OFWs sa Italia partikular sa Roma, kung kaya sinikap nating makapanayam ang Philippine Consulate sa Roma.

Sa pag-uusap ay nabatid natin na marami palang na-encounter na problema ang passport department lalong-lalo na sa system at na ito di-umano ay nakapagpapatagal sa proseso, kung kaya minarapat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatupad muna ang alituntuning ito, na hingan ng birth certificate mula sa PSA/NSO ang mga aplikante.

Nagkaroon ng malaking pag-aalala sa panig ng migranteng Pilipino dahil sa may kahirapan bukod pa sa napakatagal kung sa PSA/NSO na naka-base sa Maynila pa nila kukunin ang nasabing documento.

Nagdulot ito ang mga samu't-saring isipin at mga komento, at ang mga iba ay bahagyang nagagalit na.

Dahil dito ipinanukala ng Column na ito na; "habang hinihintay natin ang pinaka-final na dedisyon ng departamento mula sa pagka-alam ng kung ano ang pinaka-ugat ng suliranin partikular sa circuito", ay tanggapin ang "orihinal na Report of Birth" na issue ng embahada mismo.

Agad namang pinaunlakan ng Consul General ang nasabing suhestiyon kalakip ang pangakong mag-hahanap pa sila ng iba pang paraan upang mas makapagpagaan sa requirements para sa kaginhawahan ng mga OFWs.

Anipa ni ConGen Bernie Condolado; maaari rin nilang tanggapin ang mga birth certificate na kinuha sa PSA "via" online upang hindi mapag-isipan na ang "requirements sa renewal ng Passport tila nadagdagan!

Tuesday, September 19, 2017

Pagbabago unti-unting nadarama ng OFWs

Tinig ng OFWs
Ni: Bro. Junn Landicho 


Noong "September 7, 2017" ay nagdaos ng isang  forum sa pagitan ng mga lider na Pilipino sa Roma at ng embahada, naging panauhin si DFA Under Secretary Sarah Arriola, tinalakay doon ang issue tungkol sa ATN o Assistance to National.

Maraming mga katanungan ang nasagot naman ng malumanay ni USec. Arriola at nakagagalak ang kaniyang mga binitawang pahayag.

Magugunitang noong mga nakaraang panahon, ay maraming reklamo  sa tanggapang ito (ATN) lalo na sa mga usapin ng pagpapauwi ng mga labi(bangkay) ng mga sinawing palad sa pandarayunhan.

Ngunit  sa pamamagitan ni USec, ay nabatid natin sa kaniya ang kaibahan ng sitwasyon sa ngayon, aniya pa kabilin-bilinan ng Pangulong Duterte na huwag pabayaan o iwan sa ere ang mga OFWs dahil ang mga ito umano ay malapit sa kaniyang puso.

Ayon pa kay Ms. Arriola, ang lahat ng mga usapin at pangangailangan ng mga OFWs ay ka-agad na tutugunan ng ahensya basta magbigay lamang ng kaukulang pormal na reklamo(kung mayroon man) o pormal na pahingi ng ayuda o tulong ng mga mangangailangan OFW maging ng pamilya nito.

Ang mga ganitong pahayag ay nagpapakita na nababanaag na natin ang talagang pagbabago.

Sana nga mag tuloy-tuloy na ito at sana'y higit na maramdaman natin sa aktwal na pagkakataon at hindi sa mga ganitong pahayag lamang.

Ganun pa man, sa ating pananaw ay ma-aasahan natin ang katapatan ng ni USec. Arriola at nakikita natin ang senseridad ng kaniyang mga tinuran.

Sa panig naman ng mga OFWs,  maka-aasa naman ang ating pamahalaan sa pakikipagtulungan, basta maging tapat lamang ang mga nakatalaga sa kani-kanilang tungkulin.


Pagkaka-isa ang daan ng tunay na pag-asa kaya ito ang nararapat nating isulong at bigyan ng pagpapahalaga upang makamit natin ang matagal ng mini-mithing pagbabago, na unti-unting nadarama na ng mga OFWs.

Tuesday, September 12, 2017

OFW Hospital Ward, Magkakaroon na ng katuparan

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Sa mahigit apat na taon  nating pagsusulong upang pagkakaroon ng espisikong mga hospital wards para sa OFWs ay nababanaag na natin ang pagkakaroon ng katuparan nito.

Nauna na itong ipinanukala  ni yumaong Amba. Roy Seneres Sr. noon pang 2013, at na ipinagpatuloy ng ating mga kasamahan sa OFW Family PartyList sa pamumuno ni Roy Seneres Jr.  at ng grupong Ako-OFW ni Dok Che Umandap.

Kamakailan lamang ay nagtungo sa Davao si Umandap at mga kasama upang mabigyan na ng realisasyon ang panukalang ito at hindi naman nabigo ang kanilang delegasyon.

Ang bagay  na ito ay malaking tulong sa ating mga ka-OFW at sa kanilang  pamilya kahit na mga regional pa lamang ang gagawing tila experimento.

Subalit nakarating sa ating kabatiran na may ilang mga pulitiko o mga wari'y pulpolitiko na nagpapalabas ng mga publikasyon na sa wari'y pag-aangkin ng merito sa paglulunsad ng OFW Wards na ito.

Kaya ang ating column bilang Tinig ng OFWs kasabay ng pagbubunyi sa pangyayaring ito, ay nananawagan na sana ay huwag bahiran ng pulitikal na intensyon ng ilang mga pulitikong sumasakay lamang sa kagandahan ng mga kaganapan gaya nito.

Nakalulungkot subalit sa halip na makatulong sa mga OFWs at pamilya ang ganitong mga hakbang ay nakapagdudulot pa ito ng lubhang pagka-dismaya.


Sa panig naman ng OFW-Family PartyList at AKO-OFW, anila; hindi na mahalaga ang mga publisidad, ang importante sa ngayon ay ang agarang implementasyon nito upang sa ganoon ay kagya't na mapagsilbihan ang ating mga bagong bayani.


Saludo ako sa mga taong nagmamalasakit sa ating mga ka-OFW, sana ay patuloy pang dumami ang mga ka-akibat ninyo sa inyong hanay. MABUHAY KAYO!!!

Tuesday, September 5, 2017

Maramihang pagpapadala ng kasambahay sa M.E. dapat ba?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Kamakailan lang ay naglabas ng resolusyon ang POEA,  na  pinapayagan nilang mag-deploy ng mas marami pang bilang ng Kasambahay para sa Gitnang Silangan.

Kung noon ang isang Foreign Agency ay maaari lamang makipag-partner sa dalawang  Local Recruitment Agencies,  ngayon ay aabot na sa lima ang maaari nilang  ka-partner.

Ito ang magiging daan upang ang maximum limit na pwedeng i-hire ng isang Foreign Agency ay tumaas ng  mula sa dating dalawang daan (200) na magiging limang daan (500) na.

Lubhang nakababahala ang desisyon na ito sapagka't sa kabila ng napakarami na  at sunod-sunod na ulat tungkol sa mga ina-abusong OFWs lalo na sa gitnang silangan,  ay  tila hindi nag-iisip ng solusyon ang ipinagpi-pitagan nating POEA, sa halip ay baka madagdagan pa ang masasadlak sa problema dahil sa kanilang ginawa.

Hindi naman natin lubusang kinu-kondena ang ahensyang ito (POEA),  dahil sa laki ng bilang ng mga ipinadadalang manggagawa sa ibayong dagat  ay naniniwalang tayong mahihirapan talaga sila na i-monitor ang kanilang kalagayan.

Subalit nasaan ang mga OFW-Representative  sa POEA at/o OWWA, sila ba'y nananatiling tila mga palamuti lamang?

Bakit tila wala silang ginagawang aksyon sa mga bagay na ito?

Una na tayong nanawagan na kasuwato ng iba pang mga grupo  ng "deployment  ban"  kahit pansamantala lamang,  upang  mas mapagplanuhan ang usapin ng mga mangagagawa partikular ng mga kasambahay sa Middle East, subalit tila bingi sila at na tila mina-maliit ang ating mga suhestiyon.

Ang mga Representative naman ng OFWs ay tila walang malasakit na naka-upo  sa board at sa wari'y naghihintay lamang ng kanilang honorarium.

Nakalulungkot na kung sino pa ang mismong representante ay sila pa ang hindi ma-asahan.

Sana ay magkaroon ng mga representante na may kakayahan at malasakit para sa mga ka-OFWs upang maging sandigan ng mga tinatawag na mga bagong bayani.

Maglagay sana ng mga kinatawan na totoong uma-aksyon para sa kapakanan ng OFWS at hindi dahil sa ganda ng mga palamuti sa mga nominasyon.


Dignidad ng mga Pilipino ang nakasalalay sa pangingibang bansa, kaya ang nararapat na hiranging kinatawan ay ang totoong may malasakit sa dignidad (ng OFWs) at  may kakayahang pangalagaan  ang kanilang  sitwasyon.

Tuesday, August 29, 2017

Sa pagkamatay ni KIAN, Anong aral ang nakuha natin?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Naging mainit ang issue sa pagkamatay ng isang anak ng OFW na si Kian delos Santos, sadyang nakagigimbal dahil 17 anyos lamang siya at maituturing na napaka-bata pa para pumanaw.

Marami pang pangarap sa buhay na nais niyang tuparin at maranasan, subalit ngayon ay wala na, hindi na iyon magkakaroon ng kaganapan dahil sa trahedyang nangyari.

Sa isang inang OFW na nagpapakasakit sa ibang bansa para sa kanilang kinabukasan, ito ay isang malaking dagok para sa kaniya, isang pasakit na kung tayo mismo ang makararanas ay baka hindi nating kaagad na makayanan.

Samu't-sari ang lumalabas na pahayag, di-umano ay talagang drug runner ang batang ito, ayon naman sa panig ng kaniyang pamilya isang simpleng mag-aaral lamang siya at may pangarap pa nga na maging pulis sa hinaharap na panahon.

Iba-iba ang opinion at nagkakasalungatan pa nga bunga ang mga pangyayaring tanging siya lamang ang lubusang naka-aalam ng katotohanan.

Ngunit anoman ang totoong naganap, may  aral tayong makukuha sa kaniyang kamatayan, Ito ay ang pagkakaroon ng wastong pamamaraan ng operasyon upang labanan ang ilegal na droga.

Maiiwasan ang ganitong walang habas na patayan na ang iba ay lihitimo at ang iba naman ay nahaluan ng iregularidad, maiiwasan din na gamitin ng mga hidhid na pulitiko ang mga issue na kalimitan ay para sa pansarili o kundi man ay pampartidong kapakinabangan at hindi naman talaga para sa tunay na pagdamay sa nasawi.

Kung tayo ang tatanungin, hindi nararapat na ang lahat ng kapulisan ay maging bahagi ng kampanya laban sa ilegal na gawaing ito, nararapat sana na magkaroon ng espesipikong debisyon na itatalaga lamang  upang sa ganoon ay maiwasan ang pagsasamantala at na madali rin matukoy kung mayroong gagawa ng labag sa alituntuning inilunsad ng ating pamahalaan.

Sana ang pulis para sa ilegal na droga ay para lamang doon at sila lamang ang nakatutok sa mga ganoong aktibidades, ang sa trapiko ay para sa trapiko, ang sa ibang uri ng kriminalidad ay para sa kani-kanilang atas upang mas maipatupad ang katarungan ng na-aayon sa mga polisia(alituntunin).

Sana makapagigay ng idea ang artilukong ito at na madagdagan pa ng mga kanila namang suhestiyon base sa karanasan nila bilang mga tagapagpatupad ng batas.


Sana makakuha natin ang aral sa pagkamatay ng grade 11 student na si Kian!

Tuesday, August 22, 2017

Sa kaso ni Comelec Chairman Andy Bautista apektado ba ang OFWs?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakagigimbal ang balita tungkol kay Comelec chairman Andy Bautista, ayon sa isiniwalat ng mismong asawa niya,  di-umano'y may halos o mahigit pa marahil na isang bilyong pisong tagong yaman ng taong ito.

Ayon sa salaysay at mga ebidensya na inilantad ni ginang Bautista, hindi maipaliwanag ng kaniyang mister ang kayamanang iyon.

Tungkol naman sa ating mga OFWs, ano ang kaugnayan nito?  Sa ating pananaw ay napakalaki, dahil kung sakaling may katotohanan ang akusasyon, maaaring ang mga kayamanang yaon ay galing sa mga iligal na aktibidades sa comelec mismo na kaniyang pinamumunuan, sapagka't bilang pangkalahatang tagapamahala ng ahensya higit sa lahat ay siya ang ugat ng mga kasamaan doon kung mayroon man at na ito ay kaniyang pananagutan.

Matatandaan na nitong nakaraang halalan ay kabi-kabila ang mga issue ng diumano'y mga dayaan, at kung mayroon nga nito, tiyak na may malaking halaga na kasangkot dito na maaaring doon nga galing ang sinasabing tagong yaman.

Sa mga pangyayari ay apektado ang mga OFWs, lubhang na-apektuhan ang kanilang tiwala, kung kaya bagaman at bahagi sila ang lipunan ay tila bantulot silang lumahok sa halalan, ni hindi nga na-abot ang malaking porsyento % ng mga nagpa-rehistro o kung rehistrado man ay hindi nangagsi-boto.

Hindi natin sila masisi, dahil sa lumulubhang kurapsyon ay tila nawawalan na sila ng tiwala at pag-asa.

Ito ang isa sa nakikita nating pagka-apekto sa ating mga bagong bayani, ang kanilang kawalang tiwala na nagmi-mistulang masamang bangungot, dahil ang kawalang dignidad ng comelec ay pangunahing nagdudulot ng takot na mapamunuan tayo ng mga may masasamang budhing pulitiko na nakakuha ng posisyon sa pamamagitan ng daya at panlilinlang gamit ang maruming salapi na ninakaw sa bayan.

Ayon naman  sa ating mga nakapanayam na OFWs, kung ang boto na mismong nasa sariling bayan ay nadadaya, lalong higit na posibleng mas dayain ang boto namin na milya-milya ang layo sa bansa.

Sana ma-ayos na ang issue ng comelec upang sa ganoon, maging malinis na ang ahensya at mapalitan ang dapat palitan, para sa kapakanan ng bayan!


Tuesday, August 15, 2017

OEC dapat na Prebilehiyo sa Pilipinong Carta di Soggiorno Holder sa Italia

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Maraming tulong pinansyal ang inilulunsad para sa mga OFWs, ang mga banko karaniwan ay nagpapautang para tulungan ang OFW na nais mag negosyo, magpa-ayos ng bahay, pagpapa-aral at iba pang personal na pangangailangan.

Subalit may nakikita tayong kaunting kakulangan sa bagay na ito.

Para sa mga Pilipino na nasa Italia, marami sa kanila ang hindi mapagkakalooban ng ganitong prebilehiyo, sapagka't ang isa sa mga requirement sa pagpapahiram  ay ang  OEC, isang documento na hindi ibinibigay sa  isang may hawak na Carta di Soggiorno (CdS), kaya nahihirapan ang halos 40% ng mahigit 200.000 Pilipino mula Sicilia hanggang Como para sa programa sa pa-utang.

Kung tutuusin ay higit na mas may kapasidad na makapagbalik ng kaniyang hiniram ang isang CdS holder dahil "indefinite" ang "permit of stay nila, ibig sabihin ay mas may kalayaan silang magpabalik-balik sa bansang Italia para makapag-trabaho..

Kung sabagay ay mayroon namang katumbas ng OEC na ibinibigay, ito ay sa Department of Tourism nila  kinukuha, isang certificate na nagpapahintulot magbyahe na kahalintulad ng OEC.

Subalit hindi ito kinikilala ng mga bangko sa Pilipinas kapag isinumiteng kapalit ng OEC bilang katunayan na babalik sila ng Italia para mag-trabaho.

Kaya malugod nating iminumungkahi na magkaroon ng prebilehiyo ang mga CdS holder na mabigyan ng OEC dahil sila rin naman ay mga Pilipinong nagta-trabaho sa ibang bansa, o kundi man, maglaan sana ng pakikipag-ugnayan ang POEA sa mga banko upang kilalanin ang travel certificate na galing Tourism na kapalit ng OEC, upang sa ganoon ay mapagbigyan din sila ng pagkakataon na maka-utang gaya ng ibang mga OFWs na nagnanais na mas umasensyo pa ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng mahihiram na puhunan.


Ang mga OFWs ay halos iisa ang kinasasadlakan, iisa rin ang kanilang mga hinaing at sentimyento, kung kaya nararapat lamang marahil na bigyan natin sila ng pantay na pagtrato.

Tuesday, August 8, 2017

SSS at Philhealth dapat ng pag-isahin

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Naging mainit na issue para sa mga OFWs ang planong pagtataas ng bayarin sa Philhealth, diumano ito naman ay madaragdagan ng mga benepisyo.

Mula sa  P2.400 (ayon sa ulat) ito ay magiging P3.600 na  kada taon,  Subalit ang tanong ay anu-ano nga bang mga benepisyo pa ang madaragdag bukod sa ayudang pang kalusugan at pagpapa-ospital?

Habang ina-alam natin ang mga ito,  ay ating minu-muni ang mga nais nating ipanukala, Bakit hindi na lamang pag-isahin ang OFW account para sa philhealth at SSS?

Sa ating pananaw  malaking bentahe kung gagawin ito, sapagka't bukod sa ayudang pangkalusugan mapaghahandaan pa ng isang OFW ang kaniyang kinabukasan sa pamamagitan ng maa-asahang pensyon kapag dumating ang katandaan.

Ilalayo at huwag ilalapit ay panatag siya dahil mayroon ding death benefits na matatanggap sakaling dumating ang isang di ina-asahang pangyayari.

Maaari rin marahil na taunan ang pag-hulog  dito sa halip na buwan-buwan upang hindi maging ka-abalahan sa isang OFW na nakatira karaniwan sa bahay ng kanilang employer.

Kung mapag-uukulan ng masusing pag-aaral  ang bagay na ito, sana ay tutukang mabuti ang usapin dahil kapakanan at kinabukasan ng tinatawag nating mga bagong bayani ang nakataya.

Makatutulong din ito sa pagkakaroon ng tuloy-tuloy na koleksyon at walang patid na pagbibigay ng tulong sa mga kasapi.


Naniniwala tayo na mas makaka-akit ang prosesong ganito upang mas tangkilikin ng mga OFWs ang sistema dahil makikita ang tiyak na benepisyo bukod pa sa panghabang-buhay ito at hindi pangtaon-taon lamang.

Tuesday, August 1, 2017

Balik Bayan Box; Suriin sanang mabuti ang sitwasyon?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho

  
Kasunod ng mainit na issue tungkol sa iDOLE o ang bantog n OFW ID, heto naman ang Balik Bayang Box.

Magugunitang noong nakaraang taon ay naging usapin ang tungkol sa umano'y pagpapataw ng buwis  sa bawa't ipadadala ng OFWs sa kanilang pamilya.

Hindi ito nagustuhan ng karamihang OFWs kung kaya umani ng sangkatutak na batikos lalo na sa pamamagitan social media.

Na-resolba naman ang lahat at nagdeklara ang bureau of costums (BOC) na exempted ang mga OFWs, ito kung hindi tayo nagkakamali ay mula ng ma-upo sa panunungkulan si Commissioner Faeldon.

Subalit nitong nakaraang mga araw ay ginulantang tayo ng balita hinggil na naman sa Balik Bayan Box, ipinanukala na i-itemized ang lahat ng laman ng kahon, nagalit na namang muli ang mga OFWs dahil maaari di-umano itong maging daan ng panibagong kurapsyon at nakawan.

Sa ating pananaw naman, may kagandahan ang ganitong paggawi dahil ito ang sa tingin natin ay ha-hadlang sa pang-uumit, at kung magkaroon man ay mas madali ang reklamo dahil may record ng mga mawawalang gamit "kung" mayroon man.

Pero ang hindi nating sinasang-ayunan ay ang paglimita sa mga padadalhan, nabatid natin na di-umano'y pamilya o lihitimong kamag-anak lamang ang maaaring padalhan ng bagaheng ganito.

Sa ating palagay hindi ito makatarungan at isang uri ng paniniil, sapagka't paano kung nais ng isang OFW na padalhan ng gamit bilang regalo ang kaniyang kaibigan o kapit-bahay na  pinagkakautangan (halimbawa) ng loob?

Hindi naman maaaring sabihin na ipadala sa pamilya muna at saka ibigay sa kina-uukulan dahil may mga pagkakataon na nais natin na magbigay ng sorpresa bilang tanda ng pagpapa-salamat.

Kaya sana ay bigyan pa rin ng masusing pag-aaral ang tungkol sa bagay na ito, upang sa ganoon ay maiwasan ang mga di wastong haka-haka at isipin ng bawa't mamamayan.


Nananawagan din tayo sa kina-uukulan na sana'y  maging makatarungan ang bawa't pagpapasya upang ang sambayanan ay maging panatag ang pamumuhay sa bawa't kumunidad.

Tuesday, July 25, 2017

Magkano ang halaga ng Free iDOLE?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang butihing Secretario ng DOLE o Departamento ng Pagawa ng Pilipinas na si  Ginoong Silvestre H. Bello 3° ay nagpahayag na magkakaroon ang mga OFWs ng OFW-ID o ang tinatawag na iDOLE, at tahasang sinabi niya na ito ay walang bayad gayon din na "life time" ang "duration" nito.

Nagdulot ito ng lubhang galak sa hanay karamihang OFWs lalo pa at sinabing ang "Identification Card" na ito ay magsisilbing kapalit ng OEC at magiging lihitimong ID na magagamit sa lahat ng mga transaksyon bilang isang mamamayang Pilipino.

Subalit ginulantang tayo ng tila balintunang balita, di-umano ito ay may bayad na kung su-sumahin ay nagkakahalaga ng P701.00 (pitong daan at isang piso) at na kung susuriing mainam ang lohika ng mga pangyayari ay sa pamamatnugot ng isang party-list na sa anyo ng pangalan ay pro-OFW.

Napag-alaman natin na ang kinatawan ng partylist na ito ay nagma-may ari di-umano ng malalaking recruitment agency.

Ginimbal tayo ng ulat na ito at sa katotohanan ay hindi natin karakang mapaniwalaan, subalit patuloy ang pagkalat sa social media ng mga alegasyon na malaki ang posibilidad na mino-monopolya ng grupong ito ang sitwasyon, may espikulasyon din ang karamihang netizen na maaaring gamitin ang mga record ng mga OFWs na kukuha ng IDs para sa mas ma-anomalyang kadahilanan.

Ang column na ito ay nananawagan sa kina-uukulan na sana ay magkaroon ng masusing imbistigasyon na kapapalooban ng indibiwal na lupon upang masuring mainam ang bagay na ito.

Ang nais natin ay ang maiwasan ang mga samu't-saring isipin ng mamamayan, ang kadalisayan ng hangarin ng Sec. Bello na hindi dapat mahaluan ng pagsasamantala at ang pagkakasuwato ng pahayag dahil kitang-kita na taliwas sa pahayag at layunin ni Secretary ang huling mga balitang lumalabas.


Sana makarating sa kina-uukulan ang panawagan at adhikain natin na ang OFWs ay tunay na pangalagaan at huwag pagsamantalahan!

Tuesday, July 18, 2017

ATN Officers hindi nga ba aktibo?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Ang tanggapan ng ATN (Assistance to national) sa ating mga pasuguan ang isa sa may pinaka-mahalagang papel na ginagampanan para sa ating mga kapuwa Pilipinong nandarayuhan.

Sa mga problema, kaso at iba pang uri ng kinasasadlakan ng mga Pilipino sa ibang bansa partikular ang OFWs, ay ito ang dinudulugan.

Sila rin ang karaniwang nagsasa-ayos ng mga papeles kapag may nasawi o nagkaroon ng malubhang karamdaman na kakailanganing ipa-uwi sa bansa.

Subalit kapuna-punang "tila" hindi gaanong aktibo ang dibisyong ito,  sa Middle East ay samu't-sari ang mga reklamo patungkol sa tanggapan dahilan sa di-umano'y kakulangan sa pag-aasikaso sa mga duhaging mamamayan.

Sa Europa lalo na sa Italia ay may mga mangilan-ngilang reklamo din tayong nakakalap, kamakailan ang ating mga kabataan sa Cisterna di Latina ay nalagay sa deskriminasyon, sila ay binu-bully at higit pa roon ay sinasaktan ng mga kabataang Italiano, at ang nabatid natin na ang ATN officer umano ay wala man lamang reaksyon sa bagay na ito.

Sa Roma naman may ilang namatayan ng kamag-anak na hindi naman naka-tanggap ng mabilis na pag-ayuda kaya binalikat na lamang ng mga ka-anak at kaibigan ang mga gugol upang agarang maipa-uwi ang labi ng yumao.

Ilan lamang iyan sa nabatid ng comulmn na ito hinggil sa ATN officers noon at ngayon, mapaniniwalaan ang mga issue na nabanggit sapagka't ang inyong lingkod mismo ay nakaranas o nakasaksi sa mistulang kapabayaan ng ATN officer sa Roma apat at dalawang taon na ang nakara-raan.

Kaya ang pitak na ito at parang "balaraw" na umuugit ng isang katanungan;  Bakit ang mga ATN Officers ay "tila" hindi aktibo?

Sana ay mapagtuunan ng pansin ng mga kina-uukulan ang bagay na ito upang kundi man ma-alis ang mga tiwaling opisyal, ay mabawasan ito at mapalitan ng mga taong may tunay na pagmamalasakit sa kanilang mga kababayan at na may katapatan sa tungkuling kanilang gina-gampanan.

Tuesday, July 11, 2017

Matatawag bang deskriminasyon sa DFA?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Maraming pumupunta sa ating partner na Travel (hindi recruitment) Agency, sila ay nagbabayad ng bills, nagsasa-ayos ng mga documento, kumukuha ng appointment sa NBI, pagkuha ng OEC at iba pa.

Nakatawag ng pansin sa akin ang pag-proseso ng passport, maging ito man ay "renewal" o pagkuha ng bago o dahilan ng pagkawala.

Napa-isip ako bakit may rush at may regular(ordinary) na transaksyon? 

Kapuna-punang mas mataas na di hamak ang halaga ng rush at na ito ay sa lalong madaling panahon.

Bakit ganoon tila may deskriminasyon?

Kung ikaw ay may pera mas madali ang pagkakaroon mo ng passport, samantala kapag ikaw ay mayroong kakaunting halaga, maghihintay ka ng mas maraming araw.

Hindi ba nakalulungkot naman ito sa mga mahihirap na walang kasapatan ang kanilang "budget" dahil kitang-kita ang pagkatig ng serbisyo sa may maraming salapi?

Sa ganang ating opinyon, hindi makatuwiran ang ganito, dapat ay patas na pagtingin sa mga mamamayan, kaya nagmumungkahi tayo na sana ay gawing isang presyo na lamang ang mga pasaporte at sa isang pare-parehong araw na takda ang pagbibigay.

Hindi ba natin magagawang ganoon?

Sana mapag-aralang mabuti ang bagay na ito upang sa ganoon ay hindi naman masaktan ang mga damdamin ng mahihirap na mamamayan sa ganitong okasyon.


Sana maging parehas ang serbisyo upang ang  palatuntunang "rush" at regular(ordinary) ay hindi na makapagigay ng isipin, kung matatawag nga ba itong deskriminasyon sa DFA!

Tuesday, July 4, 2017

Drug Test sa mga Embahada dapat ipatupad

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Nakalulungkot subalit hindi maikakaila ang katotohanan na talamak ang ilegal na droga sa ibayong dagat na kinalù-lulungan ng maraming Pilipino na naroroon.

Sa Milan Italia kamakailan ay nagkaroon ng magkasuwatong proyekto ang ating pasuguan at ang lokal na pulisya  upang pigilan ang mga ganitong aktibidades.

Maaaring itinatago ng iba ang katotohanan subalit nagsusumigaw pa rin ang payak na kalakaran, ang ating mga kababayan partikular sa mga kabataan ay nakapanga-ngambang baka masadlak sa kapahamakan dahil dito.

Ayon sa mga impormasyong ating natanggap mula sa mga ka-OFW na nagbakasyon dito, talamak at tila hindi mapigilan ng mga awtoridad ang sirkulasyon ng ipinagbabawal na gamot, partikular sa Firenze at Milano.

Ang nakagagalak  nga lamang  ay halos kumpermahin ng ating  nakapanayam na hindi nanggagaling sa Pilipinas ang mga di-umanoy shabu, ito aniya ay sa Italia na mismo ginagawa at na mga Pakistano at Intsek ang hinihinuhang mga namamahala sa merkado nito, kaya naman nabibili ito ng ating mga kababayan sa murang halaga.

Wala na rin umano na mga malalaking(big time) pusher na mga Pilipino (gaya noong una na mga nababalitaan) sapagkat direkta ng bumibili ang mga Pinoy na may nais sa mga singkit at itim.

Tunay na nakababahala ang bagay na ito, dahil nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga pamilya, hindi natin alam "baka" ang isa sa miyembro ng pamilya ay lulong na pala sa ipinagbabawal na gamot.

Wala tayong tinutukoy ngunit nagmumukahi upang ma-agapan ang nangyayaring ito, dapat mapigil ang mga kaganapan, kaya naman ang ating panukala ay maghigpit ang ating embahada at magpatupad ng isang regulasyon, gaya halimbawa sa pagre-renew ng passport, dapat isa sa mga requirements ay ang drug test.

Sa suhestiyon nating ito ang "DRUG TEST" bilang requirement sa pagre-renew ng passport, ay makatitiyak tayo na magkakaroon ng pansariling disiplina ang bawat OFW upang iwasan ang pagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Masisiguro natin na kundi man tumigil ang isang gumagamit nito, siya ay magpapahinga ng matagal upang paghandaan ang nasabing panahon ng pagsasa-ayos niya ng kaniyang documento.

Ito ang panukala ng ating column, upang mabawasan kundi man mawala ang mga OFW na lullong sa droga, na sa aminin o hindi ay talagang mayroong mga ganito.


DRUG TEST sa mga Pilipinong magre-renew ng passport sa mga embahada nararapat ipatupad na!

Tuesday, June 27, 2017

OFW Representative mayroon bang silbi?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho

  
Ang POEA at OWWA ay mga ahensyang nakatuon ang pamamatnugot sa mga OFWs, at sa Konseho mismo nito ay mayroong mga piniling kinatawan ang mga OFWs.

Karaniwan na ang inilalagay sa tungkulin ay mga lider sa mga bansang dati nilang kinaroonan bilang mga manggagawang Pilipino.

Maganda ang layunin ng pagkakaroon nito at tila kapaki-pakinabang dahil makikitang mayroong tinig ang mga tinagurian ng gobyerno na mga Bagong Bayani.

Subalit gaano katotoo na sila ay nagiging sandigan?

Mapapansin na sa "social media" o kahit sa mismong "main stream" ay sala-salabat ang balita ng mga pagmaltrato sa mga kawa-awang mga "household workers" natin sa ibayong dagat.

At sa mga kaganapang ganito ay tila wala man lamang nagagawa ang mga kinatawan na ito.

Isang katotohanan na hindi sila kinaki-kitaan ng paglahok sa mga suliranin, ni hindi nga alam ng karamihang mga OFWs kung sinu-sino sila.

Kaya isang balintuna na isiping may nasasandigan ang mga OFWs  na kapuwa OFW  sa mga sector ng pamahalaan na nabanggit.

Nakalulungkot na "tila" sila ay kakampi pa ng mga mapanlinlang na "recruitment agencies" sa halip na maging tagapagtanggol ng kanilang kapuwa manggagawa.

Kung gayon ano ang silbi nila, bakit pa sila naroroon sa mga tungkuling hindi naman pinaki-kinabangan ng mga mismong nangangailangan?

Kung susuriing mainam, walang silbi ang mga taong ito, sa halip ay mga pampasakit lamang ng kalooban para sa mga OFWs na dumaranas ng mga ka-apihan, sapagka't ang kanilang pag-asa ay napapalitan lamang ng tuwirang pagkabigo.

Sana ay magising ang mga kina-uukulan, na kundi man alisin na ang mga representanteng ganito, ay palitan naman nila ng mga karapat-dapat.

Ihalal nila ang  mga OFWs na may likas na malasakit sa kanilang kapuwa OFW, na handang tumulong at  makipag laban para sa ikabubuti ng kalagayan ng hanay ito.

Sa mahigit na labing isang milyong OFWs, marahil naman ay makapipili tayo ng mga may lantay na puso para sa kapakanan ng sector na ito.

Sana pumili sila ng mga tapat sa tungkuling i-aatas at hindi nang dahil sa sistema ng palakasan at/o kasikatan lamang ng grupo na nag-endorso!


Dapat ang kinatawan ng mga OFW ay may malasakit sa kapuwa OFWs!

Tuesday, June 20, 2017

Lobonians OFWs at Grupong taga-Lobo nagka-isa para sa Eskwela

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho



Noong nakaraang  June 7, 2017 ay matagumpay na na-ilunsad ng Taga-Lobo FB-Group ang "First Charity Starter Kit Project", ito ay mapagmalasakit na sinuportahan ng mga OFWs na lihitimong taga-Lobo sa ibat-ibang panig ng mundo.

Bagama't sa pamamagitan lamang ng social media (facebook) ang naging tulay ng kumunikasyon, ay hindi ito naging hadlang upang ang magandang hangarin ng mga magka-kababayan ay ma-isagawa.

Nagawa ring mapag-ugnay ng mga taong namatnugot sa adhikaing ito ang mga taga lobo na nasa magkakalayong pook at bansa.

Kahima't  napakaikli ng panahon at masasabing gahol para sa pagpa-plano na halos dalawang linggo lamang  ay naging kagulat-gulat  sa mga mamamayang taga Lobo ang pangyayari sapagka't lubhang napakarami ng tumugon sa panawagan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi mula sa iba ibang panig ng mundo partikular ang Lobonians-OFWs gaya ng nabanggit na.

Sa simula ay tila  nagkaroon ng mga pag-aalinlangan ang ibang kababayan ngunit hindi napasubaliang  marami pa rin ang nagnanais na tumulong sa anumang  paraan at kakayanan.

Iba-iba man ang estado sa buhay ng mga taga Lobo gaya ng paniniwalang pulitikal o relihiyon,  at kahit na may kani-kaniyang kalagayan sa buhay ay nanaig pa rin ang tunay nilang damdamin at na ito ay ang pagkakaisa sa hangaring tulungan ang mga kababayan.

Tunay na nakagagalak ang ganitong uri ng mga pagkilos, at sana ay maging inspirasyon pa ng mga ibang may kakayahan at adhikain upang mas marami pa ang matulungan na mga kundi man masasabing kapus-palad ay sadyang nangangailangan ng tunay na pagdamay.

Sumasaludo ako sa mga nag-ugit sa nangyaring ito upang masimulan, sina Ms. Rei Adoyo, Julius  Marasigan, Denice de Chavez, Cynthia Ilagan at marami pang iba na kung babangitin ay hindi magka-kasiya sa column na ito, ganoon din sa mga tindahan na naging sentro ng pangangalap, sa lahat ng OFWs na Taga-Lobo, at sa lahat ng tumulong.


MABUHAY KAYO,  at nawa ay ito na ang simula upang taun-taon ay magkapagsagawa pa ng mas malaking paghahawak-kamay.

Tuesday, June 13, 2017

Paglilikasan sa OFWs sana may naka-handa

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Tila ma-aayos na ang kalagayan ng mga OFWs sa Qatar, nitong mga nakaraang araw ay dagliang binawi ng DOLE ang pagpigil ng pagpapadala ng mga manggagawa doon, matapos na makapag-muni marahil sa tunay na sitwasyon ng ating mga kababayan at base na rin sa mga impormasyong mula sa ating pasuguan.

Bagaman at maaaring malapit na sa paghupa ang krisis ay nakababahala pa rin ang mga susunod na mangyayari, dahil hindi natin nababatid ang talagang kalagayang politikal ng Middle East.

Sa pagkakataong ganito nararapat marahil na pag-isipan at paghandaan ang mga bagay na posibleng mangyari sa hinaharap lalo pa at hindi maikakaila na palala ng palala ang suliranin ukol sa terorismo partikular sa mga lugar na nabanggit.

Sana sakaling sumiklab ang mga bagay na hindi ina-asahan ay mayroon tayong tiyak na paglilikasan para sa ating mga kababayan, sa ganoon ay magiging matiwasay ang damdamin at isipin ng mga naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.

Ang ating mungkahi ay lumikha at/o magkaroon ng isang lupon na nakatutok sa bagay na ito, na sila ang mangangasiwa at uugit kung saan ang mga ligtas na "exit point" para mabilis na mailayo ang mga OFWs sa lugar na may mainit na tensyon.

Hindi naman marahil mahirap na gawin ito sapagkat maraming mga OFWs na maaaring maging boluntraryo sa gabay ng inatasan ng ating pamahalaan.

Sana mapag-ukulan ng pansin, mapag-aralang mabuti at mapagtibay ang bagay na ito alang-alang sa seguridad ng ating mga bagong bayani


Ang kaligtasan nila ay mahalaga lalo na sa mga damdamin ng kani-kanilang mga pamilya!

Tuesday, June 6, 2017

Ilang Recruitment Agencies, Malalakas ang Kapit?

Tinig ng OFW
Ni: Bro. Junn Landicho


Tila walang kinasisindakan ang ilang mga recruitment agency, partikular na ang mga nagpapadala ng mga manggagawa sa Middle East.

Kamakailan ay may natanggap tayong mga reklamo hinggil sa mga ito.

Kahit may mga utos na sa kanila na asikasuhin ang mga naduduhagi nating mga kababayan na nasa kanilang pangangalaga ay tila bingi ang mga taong ito.

Bagaman at may palatul o plaso na labinlimang araw upang sila ay umaksyon, karaniwan na umaabot na ng dalawa  o hanggang apat na buwan ay hindi pa rin sila nati-tinag.

Ang malaking katanungan ay; BAKIT? Sila  ba ay may mga padrino na malalaking politiko? O ang mga ahensyang ito ay pag-aari na mismo ng mga politikong sa halip na maging sandigan ng mga OFWs ay sila pang nagiging sanhi ng malubhang kabiguan?

Tinatawagan natin ang kina-uukulan.

Paki-suri naman po ng mga ahensyang may ganitong aktibidades at kung maaari ay ipasara na upang hindi na makapaminsala pa ng mga aping OFWs.

Subalit ang isa pang tanong; KAYA BA NG MGA KINA-UUKULAN NA GAWIN ANG MABAGSIK NA PAGPAPATUPAD NG KATARUNGAN?  O sila mismo ay mga kasapakat sa mga paglabag na magdudulot sa kanila ng limpak-limpak na salapi?

Kayo na po mga kababayan ang humatol, Ano ang katotohanan?


At sana naman magising na sa katotohanan ang mga ito, at kung hindi man kayo ma-konsesnsya ay MAHIYA NAMAN KAYO!